QC GOV. INATASANG MAGBAYAD NG P6-M SA PAYATAS TRAGEDY

PAYATAS TRAGEDY

MAHIGIT sa P6 milyon ang sinisingil ng Quezon City Regional Trial Court mula sa pamahalaang lungsod ng Quezon para ibayad sa mga pamilya ng dose-dosenang namatay sa trahedya sa Payatas noong taong 2000.

Sa 133-pahinang desisyon ng QC RTC Branch 97, inaatasan nito ang Quezon City government para bayaran ang legal na pamilya ng 59 na namatay sa pagguho sa Payatas dumpsite.

Aabot sa kabuuang P110,000 ang ipinababayad sa bawat pamilya ng mga namatay. Ang nasabing halaga ay sumasakop sa P50,000 para sa temperate damages, P50,000 para sa moral damages at P10,000 para sa exemplary o corrective damages. Pinagbabayad din ng P100,000 ang Quezon City government para sa attorney’s fees.

Inabswelto naman ng hukuman ang Metropolitan Manila Development Authority, Tofemi Realty Corporation and Meteor Company, Inc. na may-ari ng lupain na ginamit bilang dumpsite; at Ren Transport, isa sa mga naghahakot ng basura para itapon sa Payatas.

Nangyari ang pagguho ng mga mabasura noong umaga ng Hulyo 10, 2000 at natabunan nang buhay ang maraming residente ng relocation site sa Lupang Pangako, Payatas.

Bagama’t iniutos noong 1998 ng national government na ipasara ang dumpsite, muli itong nabuksan sa kabila ng reklamo ng mga residente.

“The mountain-like trash in itself is a testament of the city government’s gross negligence in the management and operation of the dumpsite,” punto ni Acting Presiding Judge Marilou Runes-Tamang sa kanyang desisyon.

“Had they exercised due care expected of them, they could not have allowed the garbage to rise to such unprecedented height as to resemble several Meralco posts arranged on top of each other or several storeys-high of a building,” dagdag pa sa desisyon.

Tinumbok din ng korte ang kabiguan ng Quezon City government na magkaroon nang maayos na solid waste disposal facility kaya’t naging banta ito sa buhay at ari-arian ng mga naninirahan sa lugar.

Ikinakatwiran naman ng lokal na pamahalaan na kusa at alam ng mga residente ang panganib nang pananatili sa Payatas dumpsite na tumangging mailipat sa mas ligtas na lugar.

Ngunit kahit umano hindi nag-evacuate ang mga residente sa kasagsagan noon ng mga bagyo, sinisi pa rin ng hukuman ang local government nang hayaan nitong umabot nang ga-bundok na taas ang mga basura sa dumpsite.

“The conduct of the plaintiffs in choosing to stay near the dumpsite, albeit contributory negligence, was not sufficient to relieve the City Government of Quezon City of liability,” punto ng korte. (JG TUMBADO)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment