Atake sa ABS -CBN BAHAGI NG SHAKEDOWN VS OLIGARKO – PM

0

NANINIWALA ang Partido Manggagawa (PM) na ang pagpapasara sa ABS-CBN Corporation ay “bahagi ng political shakedown” ng administrasyon laban sa mga “orligarkong pinaniniwalaang kalaban ni Pangulong Rodrigo Duterte.”

Sabi ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng PM, hindi solong kaso ng pag-atake ni Duterte sa mga oligarko ang nangyayari ngayon sa ABS-CBN.

Bukod sa mga Lopez na siyang may-ari ng ABS-CBN, binanatan din ng Pangulo ang mga Ayala dahil sa Manila Water Company Inc., si Manny V. Pangilinan para sa Maynilad Water Services Inc. at pamilya Prieto ng Philippine Daily Inquirer (PDI).

Ang mga Ayala, Pangilinan at Prieto ay itinuturing ni Duterte na kanyang mga kaaway dahil sila ay umabuso sa mga nakalipas na panahon.

Walang nagawa ang mga naturang oligarko, maging ang mga Prieto, laban kay Duterte.

Matatandaang ilang ulit na iwinawasiwas ni Duterte sa media na haharangin niya ang “renewal” ng prangkisa ng ABS-CBN.

Matatapos ang prangkisa ng kumpanya sa Marso 30 ng kasalukuyang taon.

Ang pahayag ni Duterte ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa kumikilos ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang ipasa ang mga inihaing panukalang batas para ma-renew ang prangkisa ng ABS-CBN.

Ang pinakabagong aksyon ng administrasyong Duterte ay ang paghahain ni Solicitor General Jose Calida ng quo warranto sa Korte Suprema na nagtatanggal ng prangkisa sa ABS-CBN dahil daw sa paglabag nito sa ilang batas ng bansa.

Binigyan ng mataas na korte ang ABS-CBN ng sampung araw para sagutin ang mga akusasyon ni Calida laban sa Kapamilya Network.

“Ang quo warranto ay mas threatening kaysa iasa sa mga kongresman ang kagustuhan ni Duterte [na magwakas na ang ABS – CBN],” pahayag ni Fortaleza.

Hinihintay ng mga kongresista ang basbas ni Speaker Alan Peter Cayetano upang simulan ng komite sa prangkisa ang talakayan sa mga inihaing panukalang batas para bigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN. NELSON S. BADILLA

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment