Bagong mukha ng palengke sa Binangonan “I-CHAT MO, DADALIN KO”

SA umiiral na patakarang nagtatakda ng limitadong galaw ng tao, lumikha ang bayan ng Binangonan ng bagong mukha ng kanilang pamilihang bayan — “i-chat mo, dadalin ko.”

Sa unang araw ng proyektong bunga ng pinagsamang sikap ng lokal na pamahalaan at mga volunteer group sa likod ng Binangonan Action Center, hindi na kailangang lumabas ng kani-kanilang tahanan ang mga nagnanais tumungo sa pamilihang bayan upang mamalengke, saad ng mensahe ni Russel Callanta Ynares na siyang utak ng programang tinawag na “ePalengke.”

Gamit ang isang mobile app, icha-chat na lang aniya ang mga dapat bilhin, kalakip ang pangalan at address ng nagpapabili, Sa loob lamang ng isang oras, darating ang mga bilihing itinala. Maaari rin i-chat sa Facebook page na Binangonan Action Center ang “order ni misis,” dagdag pa ni Ynares na siya ring tumatayong municipal administrator ng nasabing bayan.

“Sa mga gustong mamalengke online, magpadala lang ng messsage dito sa Binangonan E-Palengke at tutulungan kayo ng aming chat support team. May post din kami para sa mga available products dito sa ePalengke natin. Gulay? Prutas? Isda? Baboy? Baka? Manok? Meron kami niyan,” ani Ynares sa kanyang facebook account.

Matatagpuan din sa kanilang FB page ang presyo ng mga bilihin sa palengke, na siya rin presyong para sa mga tatangkilik.

Samantala, kahit pa nasa general community quarantine na ang Binangonan, patuloy ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng relief food packs na naglalaman ng bigas, delata at “danggit na ayungin”, mula sa mga lokal na mangingisda. (FERNAN ANGELES)

Related posts

Leave a Comment