Gov. Albano inupakan ng anti-mining group ILLEGAL LOGGING AT MINING TALAMAK PA RIN SA ISABELA

0

BINATIKOS ng ilang grupo si Isabela Governor Rodito Albano sa pagtuloy nitong pagtanggi na patuloy ang illegal logging at mining activities sa kanilang lalawigan.

Ito ay matapos ang mismong pag-amin ni Cagayan Governor Manuel Mamba na nangyayari pa rin ang mga nasabing aktibidad sa Cagayan na pinoprotektahan pa ng mga tiwaling alkalde.

Ayon kay Alyansa Tigil Mina (ATM) National Coordinator Jaybee Garganera, wala man silang hawak sa ngayon na actual evidence ay maraming circumstancial at accounts mismo ng mga residente na magpapatunay na hindi natigil ang illegal mining at logging sa Isabela.

Giit ni Garganera, kung magkakaroon lamang ng aerial survey gaya ng ginagawa noon ng yumaong si Enviroment Secretary Gina Lopez ay makikita ang massive deforestation at ang presensya ng mga heavy equipment na nagsasagawa ng quarrying at mining sa Isabela gayundin sa Cagayan.

“Huwag sanang magbulag-bulagan si Governor Albano at ang mga opisyal ng Isabela, kahit sinasabi nilang wala ay kabaligtaran ito dahil meron naman talaga. Ang problema sa illegal mining, quarrying at logging ay magkakaugnay, para makapag-operate ng minahan at quarry ay kailangan na magputol ng puno at ‘yan ang nangyayari,” pahayag ni Garganera.

Gayundin ang pahayag ni Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) President Danilo Ramos. Aniya, nakalulusot pa rin ang mga illegal logger at miners dahil sa pagkunsinte ng lokal na pamahalaan.

Inamin ni Mamba na may tatlong alkalde umano na may kasabwat na uniformed personnel ang sangkot at protektor ng illegal logging sa Cagayan, bagaman hindi niya pinangalanan ang mga ito.

Sa datos ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), ang bayan ng Peñablanca at Baggao sa Cagayan ay nananatiling illegal logging hotspot zone sa probinsya.

Una nang inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na nagkaroon ng lapses sa enforcement kaya hindi napipigilan ang illegal mining at logging activities sa Isabela at Cagayan.

Sinabi naman ni Año na ang nangyari sa Cagayan at Isabela ay dapat nang magsilbing wake-up call sa bawat isa na seryosohin ang eleksyon.

Ang pamilya Albano at pamilya Dy ay may ilang dekada nang namumuno sa Isabela, ang kasalukuyang gobernador na si Albano ay dating Isabela 1st District representative, ang kasalukuyang vice governor naman nito na si Faustino “Bojie” G. Dy Ill ang dating gobernador ng lalawigan.

Ang pamilya Albano ang may hawak ng congressional seat ng Isabela First District mula 8th Congress hanggang 17th Congress.

Si dating Isabela Vice Governor Tonypet Albano, kapatid ni Gov. Albano, ang siyang humalili rito sa Kamara bilang kinatawan ng Unang Distrito habang mga kaanak din nila ang nakaupo sa ibang distrito. Si Paul Ian Dy ang Isabela 3rd District Rep habang 5th District Congressman naman si Faustino Michael Dy III at 6th District si Inno Dy.

Maging ang nanamahala sa Provincial Board ay mga pamangkin din ng mga Albano at Dy. (DAVE MEDINA)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment