Kahit 20-taon na sa kumpanya 400 MANGGAGAWA SA VICTORY BUS, SINIBAK

INAASAHANG maraming manggagawa sa mga bus company ang mawawalan ng trabaho tulad ng 400 empleyado ng Victory Liner Inc. (VLI) na tinanggal sa kabila ng paninilbihan sa loob ng 20 taon dahil 50 porsiyento ang mababawas sa kita sa bawat byahe ng bus.

Siguradong dagdag ito sa 7.3 milyong Filipino na nawalan ng trabaho hanggang nitong Abril.

Matatandaang isinapubliko ng Philippine Statistics Authority (PSA) ilang linggo na ang nakalipas na 17.7% ang itinaas sa unemployment rate ng bansa nitong Abril.

Sa datos na ‘yan, ang tatlong nangunguna sa kawalan ng trabaho ay ang Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao (BARMM) na 29.8% sa mga residente ang walang trabaho, Central Luzon (CL) na 27.3% at Cordillera Administrative Region (CAR) na 25.3%.

Ang pagtanggal sa 300 drayber at konduktor at 100 mga empleyado mismo sa mga opisina ng VLI ay resulta ng kawalan ng kita ng kumpanya simula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Luzon hanggang ngayong naging general community quarantine (GCQ), pahayag ng VLI.

Ang ECQ at GCQ ang ipinanlaban ng administrasyong Duterte sa coronavirus disease-1029 (COVID-19) upang mapigilan ang pagdami ng mga tinatamaan ng sakit.

Ayon sa VLI, inaasahang madadagdagan pa ang mawawalan ng trabaho sa VLI kahit pinayagan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na simulan ang ilan sa operasyon nila dahil sa pinaiiral na social distancing sa loob ng bus.

Ang isang metrong layo ng bawat pasahero sa bus at iba pang pampublikong sasakyan ay isa lamang sa mga alintuntuning ipinagagawa ng LTFRB sa mga pampublikong transportasyon upang masigurong ligtas at protektado ang mga drayber, konduktor at pasahero mula sa coronavirus disease-2019.

Sa kaayusang ito ay wala na ang ‘sardinas’ na diskarte ng mga bus, dyip, UV Express at iba pa dahil 50 porsiyento ng kapasidad ng mga sasakyang ito ang pinahintulutan ng LTFRB nang hindi itataas ang pamasahe.

Samakatuwid, 50 porsiyento rin ang mababawas sa kita ng VLI at iba pang pampublikong sasakyan kada byahe.

Ang VLI ay isa lamang sa libu-libong bus na patungong lalawigan ang byahe.

Ayaw ng mga senador tulad ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na magpatuloy ang pagdami ng mga Filipino na walang hanapbuhay.

“Sa akin, iisa lang ang dapat tutukan ng stimulus package at ito yung job preservation. Kung itong pandemyang ito ay tatagal, mahalaga na mapanatili ng milyun-milyong manggagawa ang kanilang trabaho. Kung ang isang kumpanya ay wala namang kinikita, dito ngayon papasok ang ating gobyerno. Ang gobyerno ang tutulong sa mga kumpanya upang mapanatili ang kanilang mga empleyado,” pahayag ni Gatchalian.

“[Ang] importante [ay] makatawid tayo hanggang maging normal ang ating sitwasyon. Importante ngayon na ang mga empleyado ay manatili sa kanilang pinagtatrabahuhan,” susog ng mambabatas mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC).

Related posts

Leave a Comment