PINAALALAHANAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga barangay official na mahigpit na ipatupad ang community quarantine guidelines sa kani-kanilang hurisdiksyon o mananagot sila sa batas.
Ito’y matapos na ihayag ni Interior Secretary Eduardo Año na ang Caloocan City government ay nakatakdang maghain ng reklamo laban sa mga barangay official at nagmamay-ari ng Gubat sa
Ciudad Resort na napag-alamang nag-o-operate sa kabila ng ipinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa lungsod.
Sa larawan na nag-viral sa social media, dinagsa ng tao ang nasabing resort na dapat ay sarado kahit pa Mother’s Day noong Linggo.
“You have to enforce the law, yung barangay captains sa yung lugar mo. You are the person in authority,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi.
Aniya, ang mga barangay official na mabibigong ipatupad ang batas ay pananagutin o parurusahan lalo pa’t ang kanilang kapabayaan ay maaaring magresulta sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nauna ng ipinag-utos ni Pangulong Duterte sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na habulin ang mga alkalde at barangay officials na mabibigong magpatupad ng community quarantine protocols para maiwasan ang pagsirit ng COVID-19 cases. (CHRISTIAN DALE)
