Kukomprontahin sa mga ‘krimeng’ nagawa sa Konstitusyon, BIR at Labor laws ABS-CBN, ‘DADAAN SA BUTAS NG KARAYOM’

SA esensiya, ‘dadaan sa butas ng karayom’ bago ibigay ng Kongreso ang bagong 25-taong prangkisa ng ABS-CBN Broadcasting Corporation na siyang orihinal na hinihingi ng mga may-ari at pamunuan nito.

Walang ibang nagdiin ng puntong ito kundi mismong pinuno ng Kamara de Representantes na si Speaker Alan Peter Cayetano.

Ani Cayetano, “Both the House of Representatives and the Senate will hear the issues being raised for and against the renewal and assess, with complete impartiality and fairness, whether or not the network shall be granted a franchise for another 25 years.”

Inihayag ito ng mambabatas mula sa unang distrito ng lungsod ng Taguig at bayan ng Pateros makaraang ipasa sa ikalawang pagbasa ng Kamara bilang Committee as a Whole ang House Bill No. 6732 nitong Miyerkoles.

Pansamantalang prangkisa

ANG mungkahing batas na ito ay magbibigay ng “provisional franchise” (pansamantalang prangkisa) sa ABS-CBN upang muling patakbuhin ang mga istasyon ng telebisyon at radyo nito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Pansamantala lamang ang prangkisang ito na limang buwan ang itatagal o hanggang Oktubre 31 ng kasalukuyang taon.

Sa Lunes (Mayo 18), isasagawa ang ikatlo at pinal na pagbasa sa HB 6732.

Pagkatapos nito, iaakyat ito sa Senado upang talakayin at aprubahan o harangin ng mga senador.

Maaari rin naman silang magbalangkas, magdebate at magpasa ng sariling bersiyon ng pansamantala o permanenteng prangkisa.

Kapag inaprubahan ng Senado ang buong laman ng ipapasang limang buwang prangkisa ng ABS-CBN, hindi na ito dadaan sa Bicameral Conference Committee (Bicam) upang pagkaisahan ng mga piling kinatawan ng Senado at Kamara.

Didiretso na ito sa Office of the President (OP) upang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pansamantalang prangkisa ng Kapamilya Network.

Kahapon, tiniyak ni Presidential Spokesman Harry Roque na aaprubahan ni Duterte ang panukalang batas kapag nakarating ito sa OP.

Kung gagawa at magpapasa ang Senado ng sariling panukalang batas, magpupulong ang Bicam upang pagkaisahin an magkakasalungat na probisyon ng dalawang panukalang batas upang magkaroon ng isang panukalang prangkisa ng ABS-CBN na siyang ipadadala kay Duterte.

Kukomprontahin sa mga ‘krimen’

AYON kay Cayetano, isponsor at isa sa mga otor ng HB 6732, hanggang Oktubre 31 lamang ang buhay ng prangkisang maibibigay ng Kamara upang mabigyan ng “sapat” na panahon ang mga kongresista upang makapagtalakay at mabusisi nang husto ang panukalang bagong permanenteng 25-taong prangkisa ng giant network.

Kukomprontahin din ng mga kasapi ng Kamara ang opisyal ng ABS-CBN hinggil sa mga “krimeng” na matagal nang ipinupukol sa naturang kumpanya tulad ng paglabag sa Konstitusyon, hindi pagbabayad ng tamang buwis, paglabag sa mga batas-paggawa at maraming iba pa.

Tiniyak ni Cayetano na magiging “fair and impartial” ang mga kongresista.

“We cannot, in good conscience, sweep the accusations under the rug and proceed as if nothing happened,” patuloy ng mambabatas.

Aniya, “The main rationale of this bill (HB 6732) is to enable Congress to have an impartial, comprehensive and an extensive hearing because I believe, with my [co-]authors who filed this bill, that if we do not extensively hear the issues surrounding this franchise, we will be reneging on our constitutional duty and mandate to ensure due process that will enable us, members of Congress, to decide freely and objectively whether to approve or deny this franchise.”

Sa kalatas na kanyang inilabas sa media, binanggit naman ni Senadora Grace Poe na “ABS-CBN has to prove itself worthy of a franchise extension, but to do this, it should be given the opportunity to air its side—the same chance the other interested parties equally deserve.”

Nilabag ang Konstitusyon

PINAIIMBESTIGAHAN nang husto nina Representatives Paolo Duterte (Davao City), Eric Yap (ACT-CIS party-list) at Abraham Tolentino (Cavite) sa House Committee on Legislative Franchises ang posbileng paglabag ng ABS-CBN sa Konstitusyon ng bansa dahil sa pag-iisyu nito ng Philippine Depository Receipts (PDRs) sa mga dayuhan.

Ang PDRs ay ipinadaan ng ABS-CBN sa ABS-CBN Holdings upang magkaroon ng substansiyal na bilang ng mga dayuhang negosyante at mamumuhunan na magkaroon ng kita mula sa nasabing kumpanya.

Ang ABS-CBN Holdings ay mayroong shares of stocks sa ABS-CBN Broadcasting Corporation.

Idiniin nina Duterte, Yap at Tolentino na tahasang paglabag sa Seksiyon 11, Artikulo XVI ng Saligang Batas ang pagbibigay ng PDRs sa mga dayuhan, sapagkat nakasaad sa naturang probisyon na ang media firms sa Pilipinas ay dapat 100 porsiyentong pag-aari ng mamamyang Filipino.

Ayon sa mga ekspertong pinagsanggunian ng manunulat na ito sa mga nakalipas buwan, hindi nagkakaroon ng share of stocks ang mga dayuhan sa isang kumpanya, ngunit walang dudang kumikita sila nang malaki sa PDRs na kanilang binili, sa pamamagitan ng ibang kumpanya.

Ang Saligang Batas ay pundamental na batas ng isang bansa.

Ito ang naglatag at nagtatag ng uri, sistema at porma ng pamahalaang dapat umiral sa isang bansa.

Marami pang batas ang nilabag

BUKOD sa Saligang Batas, partikular din umanong nilabag ng ABS-CBN ang Republic Act No. 7042 at iba pa.

“The resulting foreign equity in ABS-CBN Corporation also violates Republic Act. No 7042 (Foreign Investments Act of 1991) as amended by Republic Act No. 8179, Executive Order No. 184 (Promulgating the Tenth Regular Foreign Investment Negative List), and Presidential Decree No. 1018 (Limiting the Ownership and Management of Mass Media to Citizens of the Philippines and for Other Purposes),” patuloy ng mga mambabatas.

Umaasa ang mga kongresista na hindi mababalewala ang kanilang mga reklamo, sapagkat umaapaw ang kanilang ebidensya laban sa nasabing network.

Inihain nilang tatlo ang reklamo hinggil sa mga sinasabing krimen ng Kapamilya Network sa Konstitusyon sa House Legislative Franchises na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez, sapagkat isang dosenang panukalang batas ukol sa pagbibigay ng 25-taong prangkisa ang inihain dito ng kanilang kapwa mambabatas mula noong Hulyo 2019. Inakusahan ng “tax avoidance”

SA istoryang inilabas ng ABS-CBN News (online platform) nitong Mayo 11, muling binanggit nito ang akusasyon hinggil sa “tax avoidance” mula sa nagkomentaryong “consolidated financial reports of ABS-CBN as parent company showed their effective income tax rate in 2017 was only 11 percent. In 2018, their effective tax rate was -5 percent! In other words, they didn’t pay tax in 2018.”

Ayon kay Bruce Rodriguez, sumulat ng nasabing balita, 11,000 ulit nang naipost ang nasabing punto sa social media.

Ayon sa nag-post na hindi binanggit ni Rodriguez ang pangalan, idiniin pa raw na “In layman’s terms, ABS-CBN was able to use tax credits in order to reduce (or avoid) tax payments by declaring in their financial reports that they are operating at a loss.”

“Misleading” ito, ratsada ni Mon Abrea, founding chairman ng Asian Consulting Group.

Ipinaliwanag ni Abrea sa reporter ng ABS-CBN News na “None of these large taxpayers can ever have a negative tax rate, because they are all subject to withholding taxes. It’s like the situation of the employee (wherein) before they receive their salaries it’s already net of taxes.”

“You don’t do financial analysis by grabbing a number and getting a calculator, that’s not it. And even the effectivity tax rate. Just for the information of the public, 5 percent effective tax rate is like you are a saint, you are a holy taxpayer already,” patuloy ng dalubhasa sa sistema ng pagbubuwis sa bansa.

Ang kontrobersiyal na isyung tax avoidance laban sa ABS-CBN ang maaaring buhayin at busisiin nang malaliman ng Kamara sa mga susunod na buwan.

Hindi nagbayad ng buwis noong 2018

INAMIN ng tagapagtanggol ng ABS-CBN na hindi ito nagbayad ng buwis noong 2018.

Ipinunto ni Mon Abrea sa istorya ni Rodriguez na normal at walang masama sa ginawang ito ng ABS-CBN, sapagkat “the investments made by the corporation there will be losses due to depreciation and a lot of unusual or not part of the normal operations but bulk of these expenses were charged to the income that created the losses which will be carried over for the next three years.”

Iginiit ni Abrea ang depensa ng higanteng kumpanya ng pamilya Lopez upang ipakitang hindi masama ang matagal nang lumalabas sa social media na akusasyong sinadyang ginamit ng ABS-CBN ang subsidiary nitong “Big Dipper Digital Content and Design, Inc.” upang maiwasan ang pagbabayad ng buwis.

Aniya, totoong “tax free” ang Big Dipper dahil ang “tax dividends [from] domestic subsidiaries” ng mga kumpanya sa bansa tulad ng Big Dipper ay hindi na kailangang magbayad ng buwis alinsunod sa itanakda at ipinag-utos ng National Internal Revenue Code.

Iginiit din ni Abrea na halos lahat , kundi man lahat, ng kumpanya sa Pilipinas ay mayroong subsidiaries o kumpanya sa ibang bansa hindi upang takasan ang pagbabayad ng tamang buwis sa Pilipinas kundi “…it is more beneficial in terms of resources, in terms of labor, or other infrastructure not available in the Philippines.”

“[T]ax avoidance is not illegal. Having a foreign subsidiary is not illegal. And there’s nothing immoral about it other than us putting malice or crucifying (ABS-CBN) just because we don’t like these people,” patuloy ni Abrea.

Nilabag din ang mga batas-paggawa

MAHIGIT isang libong manggagawa ang apektado ng pagpapatigil ng National Telecommunications Commission (NTC) sa operasyon ng mga istasyon ng telebisyon at radyo ng ABS-CBN Broadcasting Corporation sa buong bansa nitong Mayo 5, isang araw matapos mapaso ang 25-taong prangkisa ng kumpanya.

Mismong ABS-CBN ang nagsabi na mahigit 11,000 ang kabuuang empleyado nito.

Nalaman ito ng publiko nitong Pebrero nang simulang ibalita ng mga reporter ng ABS-CBN na ganyan karami ang naghahanap-buhay sa kanilang kumpanya.

Inulit ng isa sa mga opisyal ng ABS-CBN ang nasabing numero nang talakayin sa Senate Committee on Public Service na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe ang napipintong pagsasara noon ng Kapamilya Network.

Ngunit, sumingaw sa nasabing talakayan sa Senado ang impormasyon mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) na wala pang 4,000 ang kabuuang bilang ng mga nagtatrabaho sa ABS-CBN.

Totoo man ito o hindi, ang gustong malaman ng mga kongresista, ayon na rin kay Speaker Cayetano, ay ang katotohanan sa akusasyon na maraming nilabag na batas-paggawa ang ABS-CBN sa mga nakalipas na panahon.

Marso 30, 1995 binigyan ng Kongreso ng 25-taong prangkisa ang ABS-CBN na natapos nitong Mayo 4.

Sa mga balitang naglabasan sa mga nakalipas na taon, maraming mga nagtatrabaho sa nasabing network sa napakahabang taon ang hindi naregular.

Mayroon sa kanilang naghain ng mga reklamo ng paglabag sa mga batas-paggawa sa National Labor Relations Commission (NLRC).

Ang iba ay nakarating sa Court of Appeals (CA), ngunit hindi umatras ang ABS-CBN sa paggiit sa posisyon nitong hindi nila empleyado ang mga sinibak na manggagawa.

Sila ay empleyado ng Internal Job Market (IJM), giit noon ni Ramon “Bong” Osorio, pinuno ng ABS-CBN Network Corporate Communications.

Ang IJM ay database o listahan ng mga taong nagtatrabaho sa ABS-CBN bilang reporters, cameramen, video editors, audio men at iba.

Sa kalatas na inilabas ng NAGKAISA Labor Coalition nitong Mayo 6, nanawagan ang pinuno nito na si Atty. Jose Sonny Matula sa Kongreso na ipasa ang prangkisa ng ABS-CBN at bigyan ito ng “pro workers franchise.”

Tulungan ang kawalan ng trabaho ng mahigit 11,000 manggagawa ng ABS-CBN, tugon ni Matula, pangulo rin ng Federation of of Free Workers (FFW).

Ilang buwan na ang nakalipas, idiniin din ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), sa manunulat na ito na prangkisang pabor sa mga manggagawa ang ibigay ng Kongreso upang magkaroon ng proteksyon at seguridad ang trabaho ng mga nasabing mahigit 11,000 manggagawa sa loob ng susunod na 25-taon. NELSON S. BADILLA

Related posts

Leave a Comment