Walang nasasapol na ‘big fish’ sa anti-corruption campaign DILIS LANG ANG KAYA NI DUTERTE – SOLON

0

INIHALINTULAD ng isang mambabatas sa dilis ang mga tatamaan ng ikinasang anti-corruption campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Naniniwala si Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite na mabibigo ang kampanya ng pamahalaan dahil maliliit na tao lang umano na sangkot sa katiwalian ang sinibak sa puwesto habang malaya ang mga tinaguriang ‘big fish”.

“Failure…kung bibigyan ng grado si Pangulong Duterte sa usapin ng pagsugpo sa graft and corruption…failed,” ani Gaite sa virtual press conference ng Makabayan bloc kahapon.

Nauna rito, inanunsyo ni Duterte na humigit kumulang sa 800 government personnel ang kanyang sinibak sa puwesto dahil sangkot umano ang mga ito sa katiwalian at iba pang kaso. Kabilang sa mga ito ang 26 mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

“Yung 800 na sinibak niyang empleyado, karamihan niyan kung hindi ako nagkakamali ay nasa customs, Bureau of Immigration at iba pa ay ano lang ito, maliliit na isda,” ani Gaite.

“Yung malalaking isda, lalo na yung mga appointee ni Pangulong Duterte wala pa tayong naririnig na talagang tinugis. Yung iba, sinuspinde lang,” ayon pa sa mambabatas tulad aniya nina dating PhilHealth President Ricardo Morales.

Sinusugan din ni ACT party-list Rep. France Castro ang pahayag ni Gaite kaya naniniwala ang mga ito ito na walang mangyayari sa anti-corruption campaign ni Duterte sa natitirang dalawang taon nito sa kapangyarihan. (BERNARD TAGUINOD)

Related posts

Leave a Comment