BAD EGGS SA PNP CHAIN OF COMMAND BAKLASIN

KUNG gusto talagang malinis ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang hanay at bumalik ang tiwala sa kanila ng taumbayan, dapat ay maging s eryoso sila sa kanilang kampanya na linisin ang kanilang bakuran.

Suhestiyon ito ng PUNA tutal at mayroong binuong counter-intelligence unit ang PNP na tumutugis sa mga tiwali.

Dapat ay dagdagan nila ang kanilang pangangalap ng info sa mga pulis na may kalokohan sa katawan. Wala silang dapat na piliin maging opisyal man yan o ordinaryong PO1 lang, basta mali ay dapat na tugusin.

Yan ay kung gusto talaga nilang malinis ang kanilang hanay at hindi “ningas kugon” lang. Di po ba Gen. Archie Gamboa sir?

Silipin nila ang mga pulis na sangkot sa 15-30, hindi sila pumapasok pero sumusweldo. Alamin kung bakit ginagawa ng mga pulis na yan na hindi sila pumapasok at sinu-sino ang kanilang padrinong opisyal.

Ang iba sa kanila ay nasa abroad, pero kung sisilipin ang listahan ay nakalagay na aktibo sila sa kanilang duty. May mga aktibo naman pero puro illegal na pagkakakitaan naman ang kanilang mga pinagkakaabalahan.

Lahat ng gawaing illegal ay pinapasok nila. Kaya naman nagkakamal ng pera si mamang pulis. Dapat sa kanila ay ma-life style check din para malaman kung saan galing ang kanilang mga kayamanan.

Dapat ding subaybayan ng PNP counter- intelligence group ang mga pulis na nasibak na, karamihan kasi sa kanila ay pumapasok sa mga illegal na aktibidad. Bakit kamo? Kung dati ngang sila ay nasa serbisyo hindi sila nag-aalangang gumawa ng ilegal ngayon pa kayang sibilyan na sila.

Pahapyawan po natin ang pamamaril sa apat (4) na miyembro ng Philippine Army (PA) na kinasasangkutan ng mga pulis na naman.

Ang mga sundalo ay pawang mga miyembro ng Army’s 9th Intelligence Service Unit (ISU) sa pamumuno ni Major Marvin Indamog, 39-anyos kasama niyang namatay ay sina Captain Irwin Managuelod, 33-anyos; Sgt. Jaime Velasco, 30-anyos; at Corporal Abdai Asula, 33-anyos.

Ang mga sundalo ay pawang mga nakasibilyan na nakasakay sa isang Mitsubishi Montero at nagsasagawa ng intelligence operations sa Jolo, Sulu laban sa sinasabing suicide bombers na si Mundi Sawadjaan. May kaugnayan umano ang Abu Sayyaf bomb expert na ito sa international terrorist group na ISIS.

Kitang-kita sa nag-viral na video na binubuntutan ng Police Mobile ang sasakyan ng mga sundalo. Ang video ay naputol at hindi na nakita kung paano pinagpapatay ang apat na kawawang miyembro ng Philippine Army. Tsk! Tsk! Tsk!

Pinalalabas pa ng mga pulis na shootout daw ang nangyari, pero hindi naniwala si Philippine Army Commnading General Lt. Gen. Gilbert Gapay dahil rubout daw ang ginawa ng mga rakpa.

Para lang kayong namaril ng tutubi ah!

Kaya dapat sa PNP ‘wag na kayong mag-imbestiga dahil walang maniniwala sa inyo mula sa taumbayan. Hayaan nyo na iyan sa National Bureau of Investigation (NBI) para hindi maging bias ang mangyayaring imbestigasyon.

Sa statement nyo pa lang na shootout ang nangyari duda na sa inyo ang taumbayan at lalo lang kayong malulubog sa kumunoy.

Unti-unti na sanang bumabalik ang tiwala sa inyo ng taumbayan pero sinira nyo na naman ito dahil sa nangyaring pagpatay sa mga sundalo. Sasabihin tuloy ng kalaban ng gobyerno na buti nga sa inyo kayo-kayo na ang nagpapatayan.

Naalala ko tuloy ang Maguindanao Massacre na maraming media ang pinatay maraming pulis din ang sangkot doon.

Anyare sa slogan nyong “serve and protect”? Baka naging “serve politicians and protect the illegal” na yan ha?

Baliktarin natin ang pangyayari, kayo ang tinambangan ng mga sundalo, mga kamag-anak nyo ngayon ang naghihinagpis at naulila.

Dapat ang mga ganitong pumapatay ng kapwa niyang awtoridad ay bitay ang parusa. At ang nakakagalit pa ay babaliktarin nila, sasabihin pa na nakipagbarilan ang mga sundalo sa kanila.

Dapat mamonitor din ng gobyerno ang mga pulis dahil marami sa kanila ay inirereklamong magugulo sa kanilang mga lugar. Kadalasan ipinagmamalaki nila na may mga baril sila kaya kinatatakutan sila kung saan sila nakatira.

Kung hindi magiging matino ang pulis ay sibakin na lang sa serbisyo tutal maraming gustong pumasok sa pagpu-pulis. Ang yabang pag kasi umakyat na sa ulo hindi na magbabago ang ugali ng abusadong pulis. At kung magpapatuloy sa serbisyo ang mga ganito, marami siyang mapeperwisyong tao.

Hangga’t maaga pa at habang hindi pa masyadong maraming napepewisyong tao ay sibakin na ang mga tiwali sa serbisyo.

Malaki na ang sweldo ng mga pulis kaya dapat tumbasan nila ito ng tapat na serbisyo sa nagpapasweldo sa kanila. Ito ay ang taumbayan. Sundin nila ng tama ang kanilang slogan na “serve and protect”.

Ihiwalay na agad ang “bulok na kamatis, sa hindi bulok para hindi na sila makahawa pa sa iba”.

Ngayon nag-aabang ang taumbayan sa imbestigasyon ng NBI sa pamamaril sa apat (4) na sundalo at umaasa sila na magiging patas ang imbestigasyon.

Sa mga ganitong pangyayari dapat ay mabigyan ng hustisya ang mga biktima at tiyakin naman na mapaparusahan ang may kasalanan.

-oOo-

Para sa suhestiyon ay reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

Related posts

Leave a Comment