BALIK PROBINSYA PROGRAM MAGTAGUMPAY KAYA?

PUNA

MAGANDA sana ang ‘Balik Probinsiya Program’ ng gobyerno kung masusuportahan at mabibigyan ang mga nag-avail nito ng tulong sa pagkakakitaan na panghabang-buhay.

Karamihan kasi ng mga probinsiyano ang alam ay nasa Kamaynilaan ang oportunidad dahil dito matatagpuan ang mga naglalakihang mall, pabrika, unibersidad at mga opisina ng gobyerno.

Pero, kung unti-unting magagawa ng gobyerno na magkaroon ng mga pabrika o pagawaan sa mga lalawigan para magkaroon ng trabaho ang mga probinsiyano ay mas pipiliin nila na manatili na lamang sila sa kani-kanilang mga lalawigan.

Inirereklamo rin ng mga probinsiyano ay ang napakababang pasahod sa mga lalawigan.

Sa usapin naman ng mga panananim ay maraming nagtatanim sa mga lalawigan ang problema nila kung saan nila ibebenta ang kanilang mga produkto.

Sa unang implementasyon ng gobyerno ng programang Balik Probinsiya ay maraming kumagat (nag-avail).

Kamakalawa umalis na ang unang batch na patungong Eastern Visayas na malaki ang pag-asa na magiging matagumpay ang pag-uwi nila sa kanilang mga pamilya.

Karamihan sa kanila ay naranasan ang hirap sa Metro Manila lalo na itong panahon ng pandemyang COVID-19.

Nawalan sila ng hanapbuhay kaya dobleng hirap ang kanilang dinanas dito sa Metro Manila.

Sabi nga ng mga nakausap ng PUNA na mga promdi, hindi naman sila mangangahas na magpunta dito sa Kamaynilaan kung may pagkakakitaan sila sa kani-kanilang mga lalawigan.

Kaya naman kung gusto talaga ng gobyerno na tuluyang mabawasan ang tao sa Metro Manila ay unti-unti na nilang ilipat ang mga pabrika at opisina ng gobyerno sa mga lalawigan tulad ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) dahil wala namang mga sakahan sa Metro Manila.

Dapat kung nasaan ang mga malalawak na sakahan ay doon mag-opisina ang DA at DAR upang maging madali silang makaugnayan ng mga magsasaka.

Nakikita rin nating solusyon sa problema sa Balik Probinsiya Program ang pagtataas sa presyo sa bentahan ng copra.

Karamihan kasi ng mga produkto mula Laguna, Quezon, Bicol hanggang sa pagtawid sa Samar provinces at Mindanao ay mula sa niyog na kanilang pinagkakakitaan.

Lalo na ang mga malalayong probinsiya tulad ng Visayas at Mindanao masyadong mababa ang bentahan ng copra.

Kadalasan ang per kilo ng copra ay mas mababa pa sa P20.

Kaya naman ang mga tao sa mga nabanggit na mga lugar ay laging kapuspalad.

Duda ng mga taga-probinsya na kinokontrol ng mga negosyante ang bilihan ng copra kaya hindi ito tumataas.

Sana hindi matapos sa pagpapauwi sa mga kumagat sa programa ang plano ng pamahalaan dahil kapag hindi ito namentina ng gobyerno ay tiyak na muling babalik sa Metro Manila ang kanilang pinauwi na magiging daan upang hindi mapagtagumpayan ang programa.

Sana tuparin ng gobyerno ang kanilang sinasabi na susuportahan nila ang mga nakiisa sa balik probinsiya program.

Dapat magkaroon din ng koordinasyon ang Local Government Units (LGUs) at National Government kaugnay sa Balik Probinsiya Program.

Simple lang ang solusyon sa problema sa dami ng mga tao sa Metro Manila maging makatotohanan lang tayo at sundin natin ang ating mga ipinangakong suporta sa kanila.

Kung magiging maayos naman ang kalagayan ng mga taga-probisniya sa kani-kanilang mga lalawigan ay hindi na sila makikipagsapalarang muli sa Metro Manila.

Kabuhayan o pagkakakitaan sa mga lalawigan para manatili ang mga probinsiyano sa kani-kanilang lugar.

Maging matagumpay sana ang programang ito.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

Related posts

Leave a Comment