FRONTLINERS DAPAT ALAGAAN NG TAUMBAYAN

PRO HAC VICE

NAKAKALUNGKOT naman ang mga napabalita na ang mga taong handang magbuwis ng kanilang sariling buhay para lamang sa nakararaming mamayan ay binu-bully pa ng iba nating mga kababayan.

Naiintindihan po natin ang sentimento ng ilan nating mga kababayan dahil natatakot silang baka iyong mga frontliner nilang kapitbahay o kabarangay ay mayroong dalang Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 na mula sa mga ospital na kanilang pinaglilingkuran at baka mahawa sila ng nakakamatay na naturang sakit dahil hindi nga ito visible sa mga mata natin.

Gayunman, paala-ala lang po doon sa mga nambubully sa mga frontliner na kapag sila po ay wala, sino po ang mag-aaruga sa atin kung tayo po ay dapuan ng naturang karamdaman?

Hindi po ba ang dapat nga sa mga frontliner na mga yan kung iyan po ay kapitbahay ninyo o kabarangay ninyo ay inyong bigyan nang pagpupugay dahil sa kanilang ipinapakitang katapangan na harapin ang nakamamatay na karamdaman?

Dapat nga po kayo ang kanyang sandigan ng kanyang katatagan at maging inspirasyon upang lalo pang lumakas ang kanyang loob na pumasok pa sa ospital na kanyang pinaglilingkuran kahit alam niyang maaring isa rin siya sa mahawahan ng nakamamatay na COVID-19.

Sa halip na pandirihan po ninyo sila, dapat nga po sa tuwing sila ay dumating sa inyong lugar ay ipagbunyi ninyo sila at ipakita o ipadama ang inyong pagsuporta sa kanilang katapangan na

gampanan ang kanilang tungkulin sa kabila ng alam naman nilang maaring isang araw ay sila na naman ang makikipaglaban kay Kamatayan dahil sila ay nahawahan na ng COVID-19.

Pakiusap po sa ating mga KA-SAKSI na mahalin natin at suportahan ang mga frontliner dahil kapag sila po ay wala na, ay ubos din tayong mga Pinoy dahil tayo rin ang kasunod na magkakasakit at wala ng mga frontliner na magaaruga sa atin!

Huwag po nating tularan ang ibang mga walang kuwentang mga politiko na puro puna at ngawa wala namang ginagawa upang makatulong sa kinakaharap na krisis ng ating bansa!!!

Maiba ko nga pala dahil sa paglabag sa protocol ng isang person under investigation dahil sa posibilidad na mayroon itong taglay na COVID-19 ay kinasuhan na sa department of Justice si Sen Aquilino “koko”Pimentel Jr.

Batay sa inihaing reklamo ni Atty Rico Quicho sa pamamagitan ng electronic filing, nilabag ni Sen Pimentel ang isinasaad ng Republic Act 11332 o mas kilala sa tawag na Mandatory Reporting of

Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act., kabilang din sa reklamo ay ang paglabag sa ilang regulasyon ng Department of Health o DOH.

Ayon naman kay Secretary of Justice Menardo Guevara, kaagad niyang ipapasailalim sa preliminary Investigation ang naturang kaso sa sandaling bumalik na sa normal ang situwasyon ng bansa dahil sa kinakaharap na krisis kaugnay ng COVID-19.

Sa oras na mapatunayan na nagkasala nga sa naturang batas si Sen. Pimentel ay maari itong makulong ng hanggang anim na buwan o multang 20,000.00 hanggang 50,000.00 piso.

Related posts

Leave a Comment