GOV’T OFFICIALS HINDI DAPAT BALAT SIBUYAS

0

HINDI dapat nagiging ‘balat sibuyas’ ang mga government official, dahil pumasok kayo sa larangan ng serbisyo publiko dapat ay handa kayo sa lahat ng klaseng PUNA.

Tulad na lamang yang isyu ng pagtatambak ng buhangin o dolomite riyan sa Bay Walk ng Manila.

Kung alam nyong makakabuti yan sa mga tao ituloy nyo yan.

Alam naman natin na walang nagnanais na masira o muling masalaula yang Manila Bay dahil napakahalaga po niyan sa ating mga Pinoy.

Kung babalikan po natin ang maraming taon na nagdaan ang ganda ng dalampasigan ng Maynila.

Lalo na pag takip silim na ang sarap ng pakiramdam na nakaupo ka sa mga malalaking bato sa lugar na yan.

Naalala ko tuloy noong araw noong akoy musmos pa sa Novaliches, Quezon City sa may Tullahan River na kung saan ay sumisisid kami at nakakakuha pa kami ng Tulya.

Kaya nga po tinawag na Tullahan River ang ilog na nagmumula sa Lamesa Dam pababa hanggang Caloocan, Valenzuela at palabas sa Manila Bay dahil sa dami ng tulya.

Nasa elementarya pa ko noong mga panahon na yun.

Balik po tayo sa Manila Bay, kung maibabalik po yan sa maganda at magiging kaaya-aya para sa mga lokal na turista o dayuhan man ay mas okey.

Marami kasing nakasubaybay riyan dahil matagal nang nasalaula ang dalampasigan na yan hanggang sa may Tondo area.

Unang makikinabang riyan ay ang mga malalapit na mga residente.

Kaya dapat mismong mga malalapit riyan ang magkaroon ng malasakit. Sila mismo ang magbantay sa mga kapitbahay na posibleng magtapon ng ­basura sa baybayin na yan.

Pero kung pagbabasehan po natin ang weather condition ng bansa posibleng masayang lang ang pondo na ginamit sa paglalagay ng dolomite na yan.

Sa loob ng isang taon dalawampung bagyo ang dumarating sa Pilipinas.

Sa 20 bagyo na ito 5 lang na malalakas ang tumama sa Metro Manila, baklas lahat yang pinaghirapan at ginastusan na proyekto na yan.

Siguro hindi lingid sa kaalaman ng mga taga-Maynila kung paano baklasin ng malalakas na alon ang sea wall na semento sa dalampasigan ng Maynila tuwing may malakas na bagyo.

Hindi tayo tumututol sa pagpapaganda ng Manila Bay. Ang sinasabi natin ay ang posibilidad na mangyari kung sakaling may malakas na bagyo.

Ang Pilipinas ay hindi katulad ng ibang bansa na bihira dalawin ng kalamidad. Kaya kahit anong gawin nila sa kanilang mga dalampasigan ay hindi uubra.

Kaya dapat hindi balat sibuyas ang ating mga government offcials. Minsan ikunsidera din natin ang PUNA ng iba, kung tama ba sila o hindi.

Obyus naman na maraming proyekto ang administrasyong ito kaya naman marami rin ang PUNA.

Ibig sabihin pag ang bunga ay hinog na ay binabato para malaglag, ganun ang nangyayari ngayon.

Kahit ano naman ang ­kanilang PUNA kung tama naman ang ating ginagawa tuloy lang.

Kailangan lang ‘wag tayo maging sarado sa suhestiyon baka naman may tama sila.

Hindi natin kayang busalan ang netizens dahil nasa panahon tayo ngayon ng social media.

Tama man o mali ang ginagawa natin may PUNA pa rin sila.

Tuloy lang tayo sa trabaho, basta ang alam natin public service lang tayo walang personalan.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com

Related posts

Leave a Comment