COTABATO City – Nilagdaan na dito nuong Hulyo 10, 2025 ang isang kasunduan na lalong magpapalakas sa mga programang pangkalusugan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang Ministry of Health ng BARMM at ang Food and Drugs Administration ng Department of Health ang naglatag sa isang Memorandum of Agreement (MoA) ng mga detalye kung paano mabantayan ang merkado laban sa pekeng mga gamot at pagkain at cosmetics na umano’y mapanganib sa kalusugan ng tao.
Ayon kay BARMM Health Minister Dr. Kadil Sinolinding Jr., ang pagkakaroon ng sariling FDA sa BARMM ay isang konkretong hakbang upang matiyak ang kaligtasan at kalidad ng mga produktong umiikot sa rehiyon.
“Hindi lamang ito institusyonal na tagumpay, kundi isang malinaw na pag-ako ng responsibilidad na protektahan ang ating mga komunidad laban sa mapanganib o mababang kalidad na produkto,” pahayag ni Dr. Sinolinding.
Dagdag pa niya, magiging daan ang BARMM-FDA upang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa kultura at mga halal standards, at magbibigay suporta sa layunin ng rehiyon bilang isang self-governing region.
Sa panig ng DOH ay sinabi naman ni Undersecretary Dr. Abdullah Dumama Jr. na ang MoA ay nagpapakita ng epektibong ugnayan sa pagitan ng pambansa at panrehiyong pamahalaan sa sektor ng kalusugan.
“Ang pagtutulungan ng MOH at DOH-FDA ay magbubukas ng mas malawak na access sa ligtas at de-kalidad na produkto, at magsisilbing pananggalang ng BARMM laban sa mga pekeng gamot at hindi ligtas na pagkain,” ani Dr. Dumama.
Kinilala naman ni DOH-FDA Director General Atty. Paolo Teston ang kahalagahan ng agarang implementasyon ng susunod na yugto ng proyekto, kabilang na ang pagbibigay ng technical support at pagsasanay sa mga personnel ng BARMM.
“Ang BARMM-FDA ay mahalagang hakbang tungo sa patas at inklusibong proteksyong pangkalusugan. Sa pamamagitan ng regulasyon, mapapalakas natin ang kapangyarihan ng mamamayan at ang kanilang karapatan sa kaligtasan,” wika ni Atty. Teston.
Isa sa mga pangunahing layunin ng BARMM-FDA ay tugunan ang matagal nang hamon sa rehiyon gaya ng mahinang border controls at kakulangan sa regulatory oversight, na nagdudulot ng panganib mula sa mga pekeng gamot at delikadong produkto.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament ang paghahain ng isang panrehiyong FDA Act at isang kampanya pang-edukasyon upang mapalawak ang kaalaman ng publiko ukol sa produktong ligtas at may kalidad.
