HINDI EXCITED

0

DAPAT matuwa ang mga Filipino dahil sa wakas, pagkatapos ng isang taon mula ng ­mamuwerhuwisyo ang COVID-19 ay may dumating na bakuna pero bakit ang pakiramdam ko, parang hindi excited ang mga tao?

Noong Sabado pa lang, ipinangangalandakan na ng Malacanang na parating na ang first batch ng bakuna at tulad ng inaasahan, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang sumalubong.

Sya nga pala, parang tanging si Pangulong Digong ang Head of State sa buong Mundo ang personal na sumalubong sa unang COVID-19 vaccines na dumating sa kanilang bansa.

Pero tulad ng sabi ko. ang pakiramdam ko, parang hindi talaga excited ang mga tao. Dahil ba Sinovac ang unang dumating na gawang China na may pinakamababang efficacy rate sa lahat ng COVID-19 vaccines na nagawa?

Yung mga kausap kong mga tao, lahat sila ay ayaw magpabakuna kung Sinovac daw ang ibabakuna sa kanila. Ibig sabihin, mayroon silang pinapaborang brand ng bakuna kung saan sila may tiwala.

Ang sabi ng mga kakilala ko, bakit daw sila magbabakuna ng Sinovac na 50% lang ang efficacy eh meron naman iba na mahigit 90% ang efficacy rate? Kalusugan daw nila ang nakataya kaya ayaw nilang sumugal.

Hindi ko sila masisisi dahil buhay nila ang nakataya at ang tingin ko naunahan sila ng takot at kawalang tiwala lalo na’t galing China ang Sinovac. Siguro marami silang masamang experience sa mga produktong galing China.

Hindi ba ang biruan eh kapag gawang China peke? Kapag gawang China hindi nagtatagal at substandard dahil yung mga produktong nagkalat sa ngayon sa Pilipinas na galing China ay mga substandard at hindi nagtatagal?

Malamang yun ang pangunahing dahilan kung bakit walang tiwala ang mga Pinoy sa mga produktong gawang China at lalo silang walang tiwala dahil sa pananakop nila sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Idagdag mo pa dyan ang katotohanan na 50% lang ang ­efficacy rate ng Sinovac vaccine at ang rekomendasyon ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na huwag gamitin sa frontliners at mga senior citizen ang bakuna ito dahil mababa ang efficacy rate.

Kahit pa sabihin ng FDA na kaya hindi nila inererekomenda sa mga medical frontliner at mga ­senior citizen ang Sinovac dahil mas exposed ang mga ito sa ­COVID-19 kumpara sa ibang mamamayan, lalong nawalan ng tiwala ang mga tao sa gamot na ito.

May mga nagsasabi na “porke mahirap kami, mababang efficacy rate ang ibibibigay nyo sa amin?. Kahit mahirap lang kami may karapatan kaming mamili ng gamot na gusto namin.

May mga nagsasabi na kung P610 lang naman pala ang ­presyo ng ibang brand ng bakuna pero mas mataas ang efficacy rate, magbabayad na lang kami. Nagagastusan nga ang load sa cellphone, yun pang kaligtasan sa virus ang hindi gagastusan?

Sabi nga nila health is wealth kaya bakit mo titipirin ang sarili mo? Yung mga mayayaman ba magbabakuna rin ng sinovac? Kung oo, isapubliko kung sino sila para magkaron ng kumpiyansa ang mga mahihirap.

Saka paaanong hindi magtitiwala ang mga tao sa sinovac eh hindi naman yan ang inismuggle (daw) na bakuna na itinurok sa mga mayayamang negosyante sa Binondo at mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) at iba pang miyembro ng Gabinete na ayaw pang umamin.

Sinopharm daw ang inismuggle na bakuna na gawa rin sa China pero walang impormasyon pa kung gaano kataas ang efficacy rate ng bakunang ito na itinurok sa Very Important People raw.

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment