HINDI LANG COVID ANG PROBLEMA

0

NITONG Martes, Abril 6 ay mahigit 800,000 ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa ating bansa.

Marami na rin diyan ang namatay.

Ngunit, marami nang gumaling sa nasabing napakalaking bilang.

Kahit nagsimula na ang programang baksinasyon noong Marso 5 ay asahan nating lahat na sasahol pa ang suliranin natin tungkol sa COVID-19.

Sabi ng Department of Health (DOH), posibleng umabot sa isang milyon ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa huling araw ng Abril.

Pokaragat na ‘yan!

Napakahusay ninyo sa prediksyon!

Totoong malaking suliranin ang COVID.

Katunayan, lalong nagiging masahol ito araw-araw dahil dumarami ang tinatamaan ng nasabing sakit.

Ngunit, huwag na huwag ­nating kalimutan na hindi lang COVID-19 ang problema ng Pilipinas sa kasalukuyan.

Nariyan ang utang ng pamahalaan na P10.7 trilyon na ang kabuuan.

Inaasahang madadagdagan pa ng tatlong trilyon bago matapos ang 2021.

Siyempre, huwag kayong magtaka kung madagdagan pa ‘yan hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 2022 dahil masyadong mahilig sa utang ang lider na ito ng ating bansa.

Hindi po dapat balewalain ang trilyun-trilyong utang ng pamahalaan, sapagkat lahat ng mamamayang Filipino, kabilang ang mga pinakamahihirap na manggagawa, magsasaka, manggagawang – bukid, mangingisda, karpentero, guro, mamamahayag at iba pa ay kasama sa mga magbabayad sa utang na ‘yan.

Maliban sa trilyun-trilyong utang, problema rin ang mga manggagawang nawalan ng trabaho.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 4 milyong manggagawa at empleyado sa mga pribadong kumpanya ang nawalan ng trabaho dahil sa marami pa ring nagsarang mga kumpanya ­kumpara sa nakalipas na taon.

Nadagdagan pa ang apat na milyon ng 200,000 manggagawa nitong Pebrero ang nawalan ng trabaho, banggit ng PSA.

Dahil sa ganyang takbo, asahan nang buwan-buwan ay libu-libong mga kababayan natin ang natatanggal sa kanilang pinapasukang mga kumpanya.

Ang nakaiinis, hindi lang basta isang libo, kundi dalawangdaang libo ang nawawalan ng trabaho kada buwan.

Nitong 2020, umabot daw sa limang milyong Filipino ang nawalan ng trabaho dahil sa masamang epekto ng COVID-19 sa iba’t-ibang klaseng negosyo.

Napakatindi ring problema ang katiwalian at korapsyon sa ­maraming ahensiya ng pamahalaan.

Ang nakabubuwisit nang todo ay pasahol nang pasahol ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan.

Ilang buwan na lamang sa kapangyarihan si Duterte ngunit hindi matuldukan ang katakawan sa pera ng ilang pangkat ng mga opisyal at kawani sa Department of Public of Works and Highways (DPWH), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Philippine National Police (PNP), Bureau of Customs (BOC), Bureau of Immigration (BI), Land Transportation Office (LTO), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pang kagawaran at ahensya ng pamahalaan.

Pokaragat na ‘yan!

Isama pa sa mga problemang ‘yan ang human smuggling at ­ismagling ng kung anu-anong produkto, mala-sindikatong operasyon sa importasyon ng mga produkto mula sa ibang bansa, iligal na droga, iligal na sugal at ­napakaraming iba pa.

Siyempre, pinakamatindi sa lahat ng suliranin sa Pilipinas sa kasalukuyan hanggang sa mga susunod na buwan ay ang napakasahol na kahirapang nalalasap ng milyun-milyong Filipino.

Hindi ko pa alam ang eksaktong bilang ng mga mahihirap sa ating bansa.

Ang alam ko lang ay napakaraming mahihirap na mga Filipino ang lalo pang bumagsak ang buhay sa napakababang parte ng sukatan ng kahirapan ng buhay.

Sa inilatag kong pangkalahatang itsura ng kalagayan ng bansa, napakalinaw pa sa sikat ng araw na hindi lamang COVID-19 ang ­problema natin sa kasalukuyan.

Nagkakaintindihan po ba tayo?

Kung nagkakaintindihan tayo, dapat hindi lang COVID-19 ang pinag-iisipan at nilalapatan ng lunas, kundi kasama ang napakaraming problema.

Ang masama, dinugtungan ng pamahalaan ang problema ng mamamayan, sa halip na bigyan ng lunas ang mga suliranin.

Nitong 2020, mistulang binigyan ng sinturon ang mamamayang Filipino na siyang ipinanghigpit sa mga tiyan ng bawat Filipino.

Tila ‘yan ang paraang ginawa upang maging manipis ang sikmura ng mga Filipino.

Ngayong taon naman ay iwinasiwas ang mga patakarang mistulang lubid na ipangsasakal sa leeg ng mamamayan.

Pokaragat na ‘yan!

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment