MABILISANG PAGKILOS UPANG SAKUNA AY MAIWASAN

Sa Ganang Akin

Naudlot ang mahimbing kong pagtulog noong Huwebes ng umaga dahil sa aking naramdamang lindol. Biruin mo, ang 5.5 magnitude na lindol na ito na ayon sa NDRRMC ay tumama sa Jomalig, Quezon, ay aking na­ramdaman sa aming condominium unit sa may Pasig.

Buti na lang at walang nasawi dahilan sa nasabing lindol, hindi katulad noong mga tumama sa Cotabato City at Kidapawan City.

Nagdulot din ng pagguho ng mga gusali sa Soccsksargen at Davao ang mga lindol na ito sa Mindanao, dahilan para mawalan ng tirahan ang humigit sa 35,000 na mga pamilya at halos 180,000 na katao.

Hudyat na nga ba ito na parating na ang matagal na na­ting inaabangang “The Big One”?

May mga palatandaang nakita na ang mga gusaling mahigit 10 taon na ang nakalipas nang maitayo ay may mga mahihinang imprastraktura.

May mga mambabatas na nais magkaroon ng imbestigasyon laban sa pag-smuggle at pagkalat ng mahihinang steel products. Dapat marahil ay alamin din sa imbestigasyong ito kung bakit biglaang lumipat sa pag-gamit ng quenched-tempered (QT) steel bars ang mga malalaking steelmakers dito, kaysa sa micro-alloyed bars.

Nabanggit ng dating Association of Structural Engineers of the Philippines engineer na si Emilio Morales na maaaring magdala ng malaking peligro dahil sa non-ductile behavior nito ‘pag naisailalim ito sa mga kondisyon na tipikal sa ­ating local construction practices. Nabanggit din niya na ipinagbawal na sa mga bansang China, Taiwan, Japan, New Zealand, Canada, at USA ang paggamit ng QT bars.

Maliban dito, ang Bureau of Customs naman ay nagsimula nang mag-audit ng malalaking steel companies upang wakasan ang nangyayaring undervalued steel importations. Katuwang dito ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) kung saan nakakalap sila ng ebidensya para mahuli ang mga nasa likod ng technical smuggling ng milyun-mil­yong halaga ng steel bars.

Ang simple pero importanteng pagkilos na ito ang siyang siguradong paraan para mailigtas ang libu-libong buhay ng ating mga mamamayan kung dumating man ang malaking lindol. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)

Please follow and like us:

Related posts

Leave a Comment