PANAWAGAN PARA SA OFW PENSION PLAN, LUMALAKAS

AKO OFW

BUMUHOS ang suporta ng maraming OFW at mga li der ng iba’t ibang samahang OFW para sa panawagang pagkakaroon ng OFW Pension Plan. Marami ang nag-share ng link ng aking column at may isa pa nga na kinopya ang buong artikulo at di nagdagan ng ilang salita at ipinost sa Facebook.

Hinihiling ng mga OFW sa kongreso na rebisahin ang Republic Act 10801 na may titulong “AN ACT GOVERNING THE OPERATIONS AND ADMINISTRATION OF THE OVERSEAS WORKERS WELFARE” upang maidagdag sa tungkulin ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagkakaloob ng pensyon para sa mga OFW na miyembro nito.

Maraming beses na kasing nagtangka ang ilang kongresista na magpasa ng bagong batas sa pagkakaroon ng OFW Pension Plan, ngunit ang lahat ng hakbang na ito ay tila nalulusaw na lamang matapos na hindi umusad man lamang sa kapulungan ng Kongreso hangang matapos ang kanilang termino.

Kabilang sa mga panukala na ito ay House Bill 3746, na inakda ni Rep. Rodante Marcoleta (SAGIP Party-list) na nagpapanukala ng pagkakaroon ng OFW Social Security and Retirement System.

Gayundin ang panukala ni Rep. Gary Alejano (MAGDALO Party-list) na House Bill 5470 na may panukalang pagbibigay ng ayuda sa mga kamag-anak ng OFW na sumakabilang buhay.

Sa aking pananaw, mas magiging mainam na amyendahan na lamang ang Implementing Rules and Regulation ng Republic Act 10801 at isama na lamang sa tungkulin ng OWWA ang pamamahala ng pagbibigay ng pensyon para sa mga retiradong OFW.

Bilang panimulang pondo ay maari din naman idagdag ang perang naipon mula sa kinolektang terminal fee at pati na rin ang documentary tax na kinokolekta mula sa mga remittances na ipinadala ng overseas Filipino workers.

Base sa komento ng mga netizen na aking nakita matapos na malathala ang aking kolumn noong Miyerkoles, payag naman daw sila na kahit pa magdagdag ng konti sa kanilang binabayaran na $25 sa OWWA, ang importante ay kapag sila ay huminto na sa kanilang pagtatrabaho sa ibang bansa at tuluyan nang magretiro ay mayroon naman silang pwedeng asahan na buwanang ayuda na magmumula sa kanilang OFW Pension Plan.

Naglabas din ng kanilang saloobin ang mga OFW na matagal ng retirado, na sana ay ikonsidera din sa panukala na mabilang sila sa mga bibigyan ng pension kahit pa matagal na silang retirado sa pagiging OFW tutal naman ay nakapag-ambag din naman sila sa gobyerno noong kanilang kalakasan habang sila ay nasa ibang bansa.

Hinihiling din ng mga retiradong OFW na sila ay mapasama bilang isang sector na dapat pagkalooban ng ayuda ng gobyerno na katulad ng PWD, Senior Citizen at Solo Parent. Nitong nakaraan krisis kasi na nagbigay ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang r eklamo nila ay tila sila isang lumang basahan na nilalagpas-lagpasan na lamang.

Sa aking pananaw ay posible rin itong maipagkaloob lalo na kung ang kalahati ng pondo na magiging panimula ay magmumula naman sa pondo ng gobyerno pati na rin ang magmumula sa documentary tax ng remittance at ng terminal fee. DR CHIE LEAGUE UMANDAP

Related posts

Leave a Comment