1 PATAY, 6 SUGATAN SA KOTSE VS VAN *Lady rider pisak naman sa tanker

0

QUEZON – Patay ang isang 21-anyos na binata makaraang sumalpok ang minamaneho niyang kotse sa kasalubong na Hi Ace van sa Maharlika highway sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Paul Guno Badillo, taga Sampaloc 2, Sariaya.

Batay sa report ng Sariaya Police, magkasalubong na tinatahak ng kotseng Wigo ng biktima at ng van na minamaneho ni Alvin Regalario Dela Cruz, ang kalsada nang mangyari ang insidente sa Barangay Sto. Cristo habang kalakasan ang ulan dakong alas-11:00 ng gabi.

Ayon kay Dela Cruz, nag-overtake umano si Badillo kaya napunta sa kanyang linya ang kotse ng biktima na nagresulta sa head on collision.

Sa lakas ng impact, kapwa bumaliktad ang dalawang sasakyan at tumama pa ang kotse sa isang poste ng kuryente.

Sugatan din ang driver ng van at ang limang pasahero nito na pawang pauwi sa Sto. Tomas, Batangas mula sa bayan ng Calauag.

Isinugod ang mga ito sa iba’t ibang ospital sa bayan ng Candelaria.

Samantala sa lalawigan ng Quezon, patay ang isang babaeng rider habang sugatan ang angkas niyang dalawang dalaga nang masagasaan ng isang trailer truck sa diversion road ng Maharlika Highway sa Brgy. Santa Catalina sa bayan ng Atimonan, noong Linggo ng hapon.

Ang biktimang si Melanie Cadiz, 32-anyos, ay agad binawian ng buhay makaraang magulungan ng tanker trailer truck na minamaneho ni Roy Aceras Buat, taga Pili, Camarines Sur.

Sugatan naman dahil sa pagkatumba ng motorsiklo ng mga back rider na sina Jacquelyn Ogayre, 18, at Donna Seboc, 16, kapwa ng Atimonan.

Batay sa report ng Atimonan police, tinatahak ng tanker ang highway patungong direksyon ng Bicol nang may mag-overtake na isa pang truck.

Bunsod nito, lumipat sa kanang linya ang tanker sa 4 lanes na highway kung saan nagkataong nag-overtake din ang motorsiklo ng mga biktima.

Nawalan ng kontrol sa manibela ng motorsiklo ang nasawing biktima, natumba at nagulungan ng truck.

Naaresto naman ng mga pulis ang driver ng truck na sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries. (NILOU DEL CARMEN)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment