2 MWP NG MALABON, NALAMBAT SA RIZAL

0

NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang tinaguriang no. 2 most wanted person ng Malabon City matapos masakote ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa kanyang pinagtataguan sa bayan ng Baras sa lalawigan ng Rizal.

Kinilala ni NPD District Special Operation Unit (DSOU) head, P/Lt. Col. Jay Dimaandal ang arestadong suspek na Gian Carlo Padua, 31, ng Pineapple Road, Brgy. Potrero, Malabon City.

Sa report ni P/Lt. Col. Dimaandal kay NPD director, P/BGen. Jose Hidalgo Jr., nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago ang suspek sa isang lugar sa Baras, Rizal na naging dahilan upang agad bumuo ng team ang DSOU, sa pangunguna ni P/Lt. Melito Pabon.

Kasama ang NDIT-RIU NCR, RID-NCR, DID-NPD, HPG-NPD at mga tauhan ng Baras Police, agad tinungo ng mga awtoridad ang pinagtataguan ng suspek sa Southville 9, Pinugay, Baras, Rizal na nagresulta sa pagkakaaresto kay Padua.

Ayon kay P/Lt. Col. Dimaandal, si Padua na isa ring DILG MWP na may patong na halaga sa ulo, ay miyembro ng notoryus na Limos carnapping crime group.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrants of arrest na inisyu ni Hon. Josien N. Rodel, presiding judge ng RTC Branch 293 ng Malabon City sa kasong paglabag sa RA 10833 (The New Anti-Carnapping Law of 2018), walang inirekomendang piyansa, at paglabag sa Article 308 ng RPC (theft) na inisyu ni Hon. Ma. Ofelia Salgado Contreras-Soriano ng MTC Branch 55. (FRANCIS SORIANO)

 
"COMMENT DISCLAIMER: Reader comments posted on this Web site are not in any way endorsed by SAKSI NGAYON. Comments are views by saksingayon.com readers who exercise their right to free expression and they do not necessarily represent or reflect the position or viewpoint of saksingayon.com. While reserving this publication’s right to delete comments that are deemed offensive, indecent or inconsistent with SAKSI NGAYON editorial standards, SAKSI NGAYON may not be held liable for any false information posted by readers in this comments section."

Related posts

Leave a Comment