TEACHER HULI SA SEXTORTION 

BULACAN – Arestado ang isang Science teacher makaraang ireklamo ng sextortion ng isang grade 9 student nang magbanta ang suspek na ikakalat sa social media ang kanyang hubad na larawan at video kapag hindi nakipagkita para makipagtalik sa abandonadong gusali ng Department of Education sa Barangay Guinhawa, Malolos City sa lalawigang ito, nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Lester Torres, 32, guro ng hindi pinangalangang eskuwelahan sa Malolos, inireklamo ng  biktimang itinago sa pangalang Alma, 15-anyos na estudyante at residente rin ng lungsod.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at child abuse.

Nabatid na nitong Disyembre nang magsimulang makipag-chat ang suspek sa biktimang estudyante.

Nagpanggap umano ang suspek na siya ay babae hanggang mapapayag ang dalagita na magpadala ng hubad na larawan at video.

Pagkaraan ay nagbanta umano ang suspek na ikakalat sa social media ang hubad na larawan at video kapag hindi pumayag na makipagkita at makipagtalik sa abandonadong gusali.

Bunsod nito, napilitan ang biktima na ipaalam ito sa kanyang mga magulang at nagsumbong sila sa Region 3 Anti-Crime Unit ng PNP na nagkasa ng entrapment operation na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek. (GINA BORLONGAN)

Related posts

Leave a Comment