ANG TOTOONG MALAYANG PAMAMAHAYAG

Badilla Ngayon

MATAGAL nang suliranin ang malayang pamamahayag sa bansa.

Panahon pa ng paghahari at kontrol ng imperyong Kastila sa Pilipinas mula Ika-16 na siglo hanggang Ika-19 na siglo ay isyu na ang malayang pamamahayag sa bansa.

Noong panahon ng Kastila, totoong walang malayang pamamahayag sa Pilipinas.

Isang kongkretong ha­limbawa rito ay ipinasara ng pamahalaang Kastila sa Pilipinas ang pahayagang Kalayaan ng K.K.K.

Hindi nagustuhan ng mga Kastila at pamunuan ng Simbahang Katoliko ang ­sobrang tapang at napakatalas na mga artikulo, tula at balitang inakda nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto at Pio Valenzuela sa Kalayaan.

Hindi sila nakapaglabas ng ikalawang isyu ng Kalayaan.

Sa modernong kasaysayan ng Pilipinas, ang isang malinaw na halimbawa ng “pagpatay” sa malayang pamamahayag o press freedom ay noong si Joseph “Erap” Estrada ang nakaupong  pangulo ng bansa.

Nagalit si Estrada sa The Manila Times (TMT) dahil sa banner story at pangunahing litrato nito na mayroong pamagat na “­Unwitting Ninong.”

Tungkol ito sa pagiging “testigo” (ninong) ni Estrada sa pirmahan ng kontrata sa pagitan ng National Power Corporation at kumpanyang Argentina na IMPSA Asia Ltd.
Tapos ang litrato ni Estrada ay mayroong langaw sa kanyang ilong.

Ikinagalit nang husto ni Estrada ang banner story at ang nasabing litrato, ­sapagkat ipinunto ng istorya na masama ang kontrata ng pamahalaan sa IMPSA.

Dahil dito, nagpasya si Estrada na gipitin ang TMT, kasama na ang pagsasampa ng P101 milyong libelo, hanggang sa napilitang magsara ang The Manila Times.

Nagbukas muli ang TMT nang mabili ito ni dating Manila Rep. Mark Jimenez, espesyal na kaibigan ni Estrada.

Ang mga nabanggit kong pangyayari ay ilan lamang sa hindi maipagkakailang pagsupil sa totoong mala­yang pamamahayag.

Ang isyu tungkol sa ‘pagpapasara’ ng administrasyong Duterte sa ABS-CBN Corporation ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag o press freedom.

Nag-ugat ito sa hindi paglalabas ng campaign ad nang noo’y kandidato sa pagkapangulo na si ­Rodrigo Duterte noong halalang 2016, samantalang bayad na raw siya sa ABS-CBN.

Tapos, sa panahon ng kampanya ay madalas ibalita ng ABS-CBN ang mga atake ni Senador Antonio Trillanes IV laban kay Duterte.

Patas ba ito?

Ngayong pangulo na si Duterte, wala namang inila­labas na balita o exposé ang ABS-CBN na wawasak nang todo-todo sa pagkatao ni Duterte.

Kahit nga panloloko at panggugulang ng kapwa kapitalista ng mga Lopez sa mga manggagawa ay hindi ibinabalita ng ABS-CBN.

Kaya, isang napakala­king panlilinlang sa publiko na igiit ng ABS-BN na hinggil sa malayang pamamahayag ang pagpapasara sa Kapamilya Network.

==

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271

Read More

SEN. POE: WAG PAHIRAPAN ANG MGA MANANAKAY

Badilla Ngayon

SAKSI ako sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services na pinamumunuan ni Senadora Grace Poe nitong Lunes.

Unang naging paksa ni Poe kung saan siya mismo ang nagtanong kay Antonio Gardiola, hepe ng (TWG) ng Department of Transportation (DOTr), hinggil sa desisyon nitong ipatigil ang pilot test run ng motorcycle taxi.

Simula sa susunod na linggo ay bawal nang mamasada ang mga motorcycle driver bilang motorcycle taxi riders ng Angkas, JoyRide at MoveIt, sapagkat ayon kay Gardiola, ay hindi sumusunod ang Angkas sa kagustuhan ng TWG.

Ang pilot test run ay dapat hanggang Marso bilang ekstensiyon ng unang anim na buwang pilot test run ng motorcycle taxi bilang pampapublikong transportasyon.

Kailangan ang resulta ng pag-aaral ng TWG upang magkaroon ng makabuluhang laman ang mungkahing Motorcycles-for-Hire Act of 2019.

Nainis si Poe at iba pang senador sa TWG na pinamumunuan ni Gardiola, na isang retiradong police brigadier general, sapagkat ipinatigil nito ang pag-aaral sa motorsiklo bilang sasakyan ng mga mananakay nang walang malinaw at matibay na batayan ang TWG.

Ang punto ni Poe ay nangangahulugang muling maghihirap at muling magdurusa ang mga mananakay sa paghihintay at paghahanap ng masasakyan patungong trabaho at pauwi ng bahay dahil sa pagpapatigil sa pilot test run ng TWG.

Galit ang nangibabaw kay Gardiola laban sa ­Angkas, ngunit tinanggalan niya ng kabuhayan ang mga ma­liliit nitong rider at maging ang mga rider ng JoyRide at MoveIt dahil sa desisyon ng TWG na ipatigil ang kanilang pamamasada.

Hindi natin masisisi si Senadora Poe na kastiguhin at pagsabihan ang TWG na gusto lang nitong gumanti sa Angkas na nagiging tinik sa kanilang lalamunan dahil sa ginagawang protesta, pag­hingi ng temporary restraining order (TRO) sa korte at pagkuwestyon sa 10,000 cap na itinakda nito sa Angkas, JoyRide at MoveIt.

Ang ura-uradang pag­dedesisyon ng DOTr – TWG,  na ayon kay Gardiola ay pinahintulutan ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ay walang ibang kahulugan kung ‘di panggigipit.

Ang nakababanas sa panggigipit na ito ay ‘di lang ang mga motorcycle taxi service companies ang mape­perwisyo, kundi higit sa lahat ay ang libu-libong mananakay.

Kaya nga, intindido ko ang plano ni Senadora Poe na manawagan sa pribadong sektor na maghain ng mga kaso laban sa TWG, sapagkat ang desisyon nito ay hindi makatarungan sa hanay ng mga mananakay.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)

Read More

PAG-ASA SA PNP TOP POST, LUMALABO KAY CASCOLAN

Badilla Ngayon

SI Police Lieutenant General  Camilo Pancratius Cascolan ay isa sa tatlong kandidato  upang maging hepe ng Philippine National Police (PNP).

Ang dalawa pa ay ang “mistah’ niya sa Philippine Military Academy (PMA) ‘86 na si Police Lieutenant General Archie Francisco Gamboa na sa ngayon  ay  officer-in- charge ng PNP at si Police Lieutenant General Guillermo Lorenzo, hepe ng PNP directorial staff.

Si Eleazar ay miyembro ng PMA class ‘87.

Nanganganib na masilat si Cascolan na maging PNP chief kapag nasilip ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ang naging papel ng hene-ral sa pagpapalabas kay Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog nang walang pahintulot ang Quezon City Regional Trial Court (QC–RTC) noong Nobyembre 12, 2018.

Sinalag ni Gamboa sa batikos ng media si Cascolan nang sabihin nito na ang TCDS (The Chief Directorial Staff) ang mayroong kapangyarihan magpalabas ng sinumang bilanggo mula sa PNP Custodial Center ngunit kailangang may kautusan mula sa korte.

Ang TCDS  noong pa-nahong iyon ay si Cascolan kaya luma na ang anomal-yang ito.

Naungkat lamang ito ngayon nang pagpaliwa-nagin ni QCRTC Branch 228 Judge Mitushealla Manzanero-Casiño nitong Disyembre 17, 2019 ang warden ng PNP–CC at mga abogado ni VM Parojinog hinggil sa pagpapalabas sa bise–alkalde mula sa PNP– CC sa Camp Rafael Crame noong Nobyembre 12,2018 kung saan nadalaw ni VM Parojinog ang kanyang kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr. sa kulungan sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan sa Taguig nang walang kautusan mula sa nasabing judge.

Ang magkapatid na Parojinog ay nahaharap sa mga kasong kriminal tungkol sa ilegal na droga at ilegal na mga baril.

Nakarating kay Judge Casiño ang ilegal na pagpapalabas kay Parojinog sa pamamagitan ng mos-yon ng prosekyusyon sa QC RTC Branch 228 hinggil sa pagtutol nito sa pagpapalabas kay VM Parojinog nitong Disyembre 23, 2019 upang muling dalawin ang kanyang kapatid sa kulungan ng BJMP sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.

Naniniwala akong hindi lang dapat ang PNP ang magsagawa ng imbestigasyon na siyang ipinag-utos ni Gamboa, kundi si Sec. Año rin mismo ang mag-imbestiga, sapagkat si Cascolan ay nakalinya sa pagiging PNP Chief.

Wala akong masamang tinapay kay Cascolan sapagkat wala namang nagagawang masama ang heneral laban sa akin o sa aking pamilya, lamang ang punto ko ay ang kanyang partisipasyon sa paglabas ni VM Parojinog mula sa kulungan bagama’t walang kautusan.

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / Ni Nelson Badilla)

Read More

DOF, DOE MAKUPAD SA IRR NG MURANG KURYENTE ACT

Badilla Ngayon

SAYANG ang “Murang Kuryente Act” kung hindi pa ito maipapatupad si­mula ngayong buwan bunga  dahil sa kabagalan ng Department of Finance (DOF) at Department of Energy (DOE) na tapusin at ilabas ang implementing rules and regulation (IRR) ng nasabing batas.

Alam naman nina DOF Secretary Carlos Dominguez III at DOE Secretary Alfonso Cusi na hindi maaaring i­patupad ang batas kung wala itong IRR.

Noong Nobyembre 27 o 90 araw matapos maging ganap na batas ang Murang Kuryente Act ay dapat nagsimula na ang implementasyon ng batas na ito.

Kaya, noong Disyembre ay nabawasan sana ang ibinabayad ng bawat pamil­yang Filipino sa kanilang kuryente kada buwan, sapagkat tanggal na ang binabayaran nila para sa stranded debts and costs (SDC), Universal Charge for Stranded Debts (UCSD) at Universal Charge for Stranded Contract Costs (UC-SCC) ng National Power Corporation (NAPOCOR).

Sabi ni Senador Sherwin Gatchalian, ipinapasa ng mga distribyutor ng kuryente sa kanilang mga konsyumer ang SDC, UCSD at UC-SCC upang sila ang magbayad nito kada buwan.

Kung tanggalin ang tatlo, makakatipid ng P172 bawat buwan o P2,064 bawat taon ang pamilyang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan.

Maliit na halaga ang P172 para sa mayayaman ngunit ‘malaking bagay’ ang nasabing halaga para sa mayorya ng mga Filipino na napakaliit ng sinasahod bawat buwan.

Makabibili na ng apat na kilo ng bigas ang P172.

Ngunit, dahil sa kakuparan ng DOF na pinamumunuan ni Dominguez at DOE na nasa ilalim ng pamumuno ni Cusi ay hindi nagawa at nailabas ang IRR ng Murang Kuryente Act sa takdang araw.

Isa sa nakinabang sa pagkaantala ng IRR ay ang Manila Electric Company (Meralco).

Ang totoo, napakalaking pakinabang sa Meralco ang  mabagal na kilos ng DOF at DOE, sapagkat milyun-milyon ang nakolekta nila dahil nanatili pa rin ang SDC, UCSD at UC-SCC.

Batay sa rekord ng Me­ralco, ang mga pangunahing may-ari ng Meralco ay ang Beacon Electric Asset Holdings Inc. (BEAHI), JG Summit Holdings (JG Summit), Metro Pacific Investments Corporation (MPIC), Metro Pacific Holdings Inc. (MPHI) at mayroon ding mga kasosyong dayuhang kumpanya.

Nakasaad sa rekord ng Meralco, si Manny Pa­ngilinan ang tagapangulo ng 11-kasaping Board of Directors ng Meralco.

Si Pangilinan din ang pinuno ng Maynilad Water Services Inc. na walang patid na binabatikos ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa “onerous” na kontrata nito sa pamahalaan na nagsimula noong 1997.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON /  Nelson Badilla)

Read More

PROYEKTONG KALIWA DAM IPATIGIL

Badilla Ngayon

MAPALAD ang People’s Republic of China na ngayon ay nasa ilalim ng liderato ni Pangulong Xi Jinping sapagkat napakabilis nitong napasok ang mga estratehikong pangangailangan ng mamamayan ng bansang  Pilipinas.

Sa ngayon, nakapasok ang pamahalaan mismo ng China sa industriya ng telekomunikasyon at serbisyo-publikong tubig sa bansa.

Sa larangan ng telekomunikasyon, kasosyo ni Dennis Uy ang pamahalaan ng China sa Dito Telecommunity Inc.

Ang Dito ay siyang nanalong kumpanya bilang “third telco” sa bansa, una at pangalawa ang Globe Telecom ng pamilya Ayala at Smart Communications ng pangkat ni Manny Pangilinan, na kapwa may kasosyong mga dayuhan.

Kaya, huwag magtaka at magalit kung maging kasosyo ni Dennis Uy ang pamahalaan ng China.

Maliban sa industriya ng telekomunikasyon, napasok din ng pamahalaan ng China ang tubig.

Nakuha ng China ang P12 bilyong halaga ng Kaliwa Dam Project sa pamamagitan Official Development Assistance (ODA) loan mula sa China kaya naman ang kasunduan na pinasok ng China at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ay  maraming probisyong ” onerous and diasadvantageous” sa bansa.

Ang Kaliwa Dam ay  nasa Kaliwa River na nasa pagitan ng  mga lalawigan ng Quezon at Rizal  ay magiging malaking tulong na pagkukunan ng tubig  para sa mga negosyante at residente ng Metro Manila at mga karatig lalawigan dahil hindi sapat ang tubig na nakukuha sa Angat Dam ng Maynilad at Manila Water na nagsusuplay sa Metro Manila.

Mayroong probisyong nasasabing batas ng China ang susundin sa proyektong Kaliwa Dam at Hong Kong  International Arbitration Centre ang magpapasya kung sakaling magroon ng hindi pagkakaintindihan ang mga pamahalaan ng Pilipinas at China bukod pa sa walang karapatan at kapangyarihan ang pamahalaan ng Pilipinas na igiit ang “right of immunity” dahil sa usapin ng soberensya at ang pinakamalupit ay kailangang “confidential ang interes ng utang ng Pilipinas sa China.

Kitang kita na talung-talo ang Pilipinas sa kasunduang pinasok ng MWSS sa China kaya nararapat lang na ipatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proyekto at mapag aralan ng Department of Justice at Office of the Solicitor General ang kasunduan. (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)

Read More

NAPAKASAYANG PASKO NG SMP (DAGUPAN)

Badilla Ngayon

IPINAGDIRIWANG namin bawat taon ang pagsasara ng taon at pagsalubong sa bagong taon sa Pangasinan (lalawigan ng aking maybahay).

Syempre, napakasaya na magkita-kita, magsasamang muli at magdiwang ang ­angkan ng Toledo (apelyido ng maybahay ko noong dalaga pa siya) sa pagsasara ng 2019 at pagsalubong sa 2020.

Sa pagpunta ng pamilya ko sa Pangasinan, nasaksihan ko rin ang pagdiriwang ng Pasko ng mga mangingisda sa lungsod ng Dagupan.

Sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon ng Christmas party ang mga ma­ngingisdang kasapi ng Samahan ng Mangingisdang Pantal (SMP).

Matagal na ang mga maliliit na mangingisda sa Dagupan.

Ngunit, noong Hulyo 2018 lamang sila nakapagbuo ng samahang tinawag nilang SMP.

Ayon sa mga mangingisdang nakausap ko, nagkaroon at naisakatuparan lamang ang pagkakaroon ng organisasyon ang maliliit na mga mangingisda sa pantal ng Dagupan nang ‘dumating’ sa kanila si Ajerico “Ajie” Bersales.

Si Ajie ang namuno sa pagbubuo at pagtatatag ng SMP.

Kaya, nang magkaroon ng halalan noong Hulyo 2018, si Ajie ang kanilang inihalal na pangulo.

Si Mike Villamor naman ang nahalal na pangalawang pangulo.

Mula nang mabuo ang SMP, habang nangingisda ang mga kasapi ng SMP ay wala ring tigil ang pag-iisip at pagkilos ng pamunuan ng nasabing organisasyon, sa pangunguna ni Ajie, ng iba’t ibang diskarte upang matiyak na makapa­ngingisda at makapapamuhay nang maayos at marangal ang mga mangingisda, sampu ng kani-kanilang pamilya.

Nangunguna si Ajie sa ­pagharap, pakikipag-usap, pagpapaliwag at pagkumbinsi sa mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pa upang ang mga kasapi ng SMP ay makapa­ngisda nang maayos at walang abala sa kanilang paghahanap-buhay.

Nitong Disyembre, tiniyak ni Ajie na magkaroon naman ng Christmas party ang SMP.

Ang pagdiriwang ng Pasko ng SMP nitong Disyembre 30, kung saan naimbitihan ako ng aking bilas na si Ajie, ay sobrang saya.

Sabi ni Ajie, inimbitahan nila si Dagupan City Mayor Brian Lim, na pinaunlakan naman sila ng alkalde.

Hindi nakarating si Lim dahil mayroon siyang pinuntahan na ‘personal na napakahalaga’ sa kanya.

Hindi man nakarating, tiyak akong solido ang pagkilala at suporta ni Lim sa SMP.

Alam n’yo ba kung bakit?

Ang SMP ang unang organisasyon ng mga residente ng Dagupan na “accredited” ng pamahalaang lokal ng Dagupan ngayong si Brian Lim na muli ang alkalde ng lungsod.

Kaya naman nangyari ito ay dahil tunay na solido, malakas, matatag at napakaraming kasapi ang SMP.

Ayon mismo sa mga opis­yal ng SMP, naganap ang lahat nang ito dahil kay Pangulong Ajie Bersales.

Nasisiyahan ako kapag na­lalaman at nasasaksihan kong nagkakaisa ang mga batayang masa tulad ng mga mangi­ngisda, sapagkat ang kanilang organisasyon ang kanilang sandata at boses laban sa balasubas at korap na mga opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / Nelson Badilla)

Read More

MAIPANALO KAYA NI SPEAKER CAYETANO ANG ABS-CBN LABAN KAY DUTERTE?

Badilla Ngayon

MABANGO ngayon ang pangalan ni Speaker Alan Peter Cayetano kahit napakapalpak ng kanyang pamumuno sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Kaya palpak, apat na panukalang batas pa lang ang naipasa ng Mababang Kapulungan.

Sa apat na nakarating kanyang panukala, dalawa ang naging batas na.

Ito ay ang pagpapalipat ng halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Disyembre 2022 mula Mayo 2020. Magandang batas ba ito?!

Ang pangalawang naging batas ay ang proyektong Malasakit Center ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.

Maganda ang batas na ito, sapagkat pinabibilis nito ang pagseserbisyo ng pamahalaan sa mga taong nagkakasakit. Mabuti na lang, ideya ito ni Go.

Kung hindi kay Go na “napakalakas” kay Pangulong Rodrigo Duterte, tiyak na hindi naging mabilis ang pagsasabatas nito.

Iyong panukalang batas hinggil sa P4.1 trilyong badyet ng pambansang pamahalaan para sa 2020 ay binubusisi pa ni Duterte upang matiyak na walang pondong mapupunta sa bank accounts ng mga senador at kongresista.

Sabihin n’yo ngayon sa akin kung napakahusay ng pamumuno ni Cayetano sa Kamara de Representantes. Ngunit mabango ang pangalan niya.

Katunayan, higit na mataas ang kanyang iskor sa survey ng Pulse Asia nitong Disyembre 3 hanggang Disyembre 8 kumpara kay Pangulong Duterte.

Noong nagaganap ang South East Asian Games, sabi ni Cayetano, tatalakayin sa Enero ang panukalang batas para sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation.

Maraming nakasalang na panukalang batas para sa prangkisa ng nasabing TV network.

Kailangan nang maipasa ng Mababang Kapulungan ang panukalang batas para sa prangkisa ng kumpanyang pag-aari ng mga Lopez bago sumapit ang Marso upang mailarga ng ABS-CBN ang lahat ng kanyang mga programa para sa 2020 at sa susunod na mga taon.

Sa pagtatapos ng SEA Games noong Disyembre 11, ang napakahabang talumpati ni Cayetano ay ipinalabas nang live sa ABS-CBN.

Hindi naman pangulo ng bansa ngunit ipinalabas ng nasabing TV network si Cayetano habang nagtatalumpati.

Hindi maganda ang pananaw ng publiko rito, sapagkat mistulang aksyon ito ng ABS-CBN upang matiyak na ipasa ng Kamara de Representantes ang panukalang batas upang magpatuloy ang isa sa maraming negosyo ng pamilya Lopez.

Mahalaga ang nasabing TV network sa pamilya Lopez, dahil bukod sa napakalaking pera ang ipinapasok nito sa kanilang yaman, malinaw na makapangyarihan ang kanilang pamilya.

Sa talumpati ni Duterte sa mga biktima ng lindol sa Mindanao, idiniin at tiniyak niyang hindi maipapasa sa Kamara ang panukalang batas tungkol sa prangkisa ng TV network.

Idiniin pa ni Duterte na ibenta na lang ng mga Lopez ang ABS-CBN, sapagkat hindi nito makakukuha ang inabangang prangkisa hangga’t pag-aari ng nasabing pamilya ang nasabing higanteng kumpanya.

Malalaman natin kung kayang banggain ni Cayetano ang posisyon ni Duterte laban sa prangkisa ng ABS-CBN.

Malalaman natin sa susunod na mga buwan kung si Cayetano ba ang masusunod o si Duterte, kahit magkahiwalay na organo ng pamahalaan ang ehekutibo at lehislatura.

Ang pagharang sa prangkisa ng ABS-CBN ay patunay lamang na hindi mapatawad ni Duterte hanggang ngayon ang ginawa sa kanya ng TV network na hindi pagpapalabas ng kanyang patalatas para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo ng bansa noong 2016, samantalang bayad na ag nasabing patalastas.

Sa halip, ang inilabas ng ABS-CBN ay patalastas na inuupakan si Duterte.

Ang pinansiyer umano ng nasabing upak kay Duterte ay si dating Senador Antonio Trillanes IV.

oOo

Alam ko na kayong mga mambabasa ay higit na maraming nalalaman kaysa inyong lingkod.

Kaya tumawag o mag-text na sa 0998 – 565 – 0271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)

Read More

MAAYOS NA DISTRIBUSYON NG TUBIG ANG KAILANGAN

Badilla Ngayon

MATAGAL na panahong hi­nawakan ng pamahalaan, sa pamamagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), ang distribusyon ng tubig sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.

Dahil pagpapabaya at korapsyon sa MWSS, umabot sa matinding krisis ang tubig noong panahon ni Fidel Ramos.

Hindi tuluy-tuloy ang daloy ng tubig sa mga tubo ng MWSS patungo sa bawat bahay ng mga residente at kumpanya ng mga negosyante sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan noong panahon ni Ramos.

Kaya, nagpasya si Ramos na isapribado ang distribusyon ng tubig.

Nagsimula ang Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Services Inc. noong 1997.

Simula noon, inayos ng Manila Water at Maynilad ang distribusyon ng tubig.

Sabi nga ni Romeo Bernardo ng Foundation for Economic Freedom, “upang magkaroon ng malinis na inuming tubig sa bawat bahay, nangangailangang mag-invest sa storage at treatment facilities at underground distribution networks. Bilyun-bilyon ang halaga nito upang matiyak lamang na malinis ang tubig na nakararating sa mga bahay.”

Maliban diyan, tiniyak din ng Manila Water at Maynilad na magdamag araw-araw ang distribusyon ng tubig sa bawat bahay at negosyo.

Natural lamang na mabawi ang ginastos ng Manila Water at Maynilad.

Kaya, naniningil sila ng bayad kada buwan sa kanilang mga kliyente na ang halaga ay depende sa rami ng ginamit na tubig sa loob ng isang buwan.

Ayon sa ulat ng Global Water Intelligence noong 2018, pinakamababa ang singil sa tubig sa Pilipinas kumpara sa ibang mga bansa sa Asya.

Maraming organisasyon ang nanawagang isapubliko ang distribusyon ng tubig.

Kapag nangyari ito, magbabayad din ang mga tao sa MWSS, ngunit walang katiyakang magiging maayos ang pamamahagi ng tubig sa bawat bahay at negosyo, sapagkat ang inuuna ng mga opisyal sa pamahalaan ay paano kikita habang nakapuwesto sa gobyerno kaysa paano pagagandahin ang serbisyo sa publiko.

Kung pribadong kumpanya ang hahawak ng distribusyon ng tubig, pihadong regular na aasikasuhin ang tubig ng mga residente at negosyante.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (BADILLA NGAYON / NELSON BADILLA)

Read More

HAMON SA INTEL UNITS NG PDEA-NCR AT NCRPO

Badilla Ngayon

SADYA ba’ng mahina ang mga intelligence unit ng Philippine Drug Enforcement Agency–National Capital Region (PDEA–NCR) at National Capital Region Police Office (NCRPO) ng Philippine National Police (PNP) o namimili sa mga tinitiktikan?

Ito ang natural na tanong ng mga journalist kapag mayroon kaming nababalitaang estabilisimiyento na mayroong nagaganap na ilegal.

Batay sa nakalap na impormasyon, sa Brgy. Poblacion sa Lungsod ng Makati ay mayroong establisimiyentong ‘pugad’ ng ecstasy.

Ang establisimiyentong ito (na itatago muna natin ang pangalan) ay regular umanong nagaganap ang kasiyahan ng mga taong pumupunta rito.

Masayang-masaya ang mga taong nagsisipunta sa hostel dahil sa ecstasy na high-grade ang kalidad na kanilang nabibili at natitikman.

Hindi agad mabibisto ang ecstasy na inaalok sa mga parokyano ng nasabing hostel, sapagkat “liquid” ito.

Napakalakas daw ng tama ng nasabing ecstasy sa nasabing hostel.

Ayon pa sa impormasyon, mayroong opisina ang isang abogado sa pinag-uusapan nating establisimiyento.

Ang nasabing abogado ay konektado dati sa Office of the Ombudsman.

Masasabi kong salbahe ang abogadong ito dahil hindi siya kumikilos laban sa labag sa batas.

Hindi niya ipinararating sa PDEA–NCR at NCRPO ang pagiging ‘pugad ng ecstasy’ ng gusaling kinaroroonan ng kanyang opisina.

Maliban sa ilegal na droga, namamayagpag din ang prostitusyon sa nasabing hostel.

Mayroon ding puwesto ang isang kompanyang pasok sa industriya ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa naturang gusali.

Ang alam ko, ayaw na ayaw ni Mayor Marlen–Abigal “Abby” Binay–Campos ang ilegal na droga, prostitusyon at POGO, ngunit patuloy na namamayagpag ang mga ito sa isang gusali sa Brgy. Poblacion.

Hindi kumikilos ang pulisya sa Makati, kaya, napakalaking hamon sa intelligence units ng PDEA–NCR at NCRPO upang matunton hanggang madiskubre nila ang hostel sa Makati na sinasabing pugad ng ecstasy.

oOo

Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)

Read More