LAGUNA – Isa na namang miyembro umano ng notorious na Ireneo Fajardo criminal gang ang napatay ng mga pulis sa engkwento sa Sta. Rosa City sa lalawigang ito, noong Huwebes ng tanghali.
Kinilala ang napatay na si Mervin Agualada y Pacheco, 34, residente sa Southville, Brgy. Caingin, Santa Rosa City, kabilang sa high value individual list ng PNP.
Miyembro umano ito ng Ireneo Fajardo criminal group, isang gang na sangkot sa kidnapping, gun for hire at illegal drug trade sa 1st district ng Laguna at Muntinlupa City.
Ayon sa Sta. Rosa City Police, nanlaban ang suspek sa buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa mismong bahay nito.
Dead on the spot ang suspek makaraang tamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Si Agualada ang ikalawang miyembro na napatay sa operasyon sa loob ng isang linggo.
Noong Martes, napatay rin ng mga pulis ang isa ring miyembro ng grupo na si Restico Bathan nang makipagbarilan umano sa anti-illegal drug operation sa Barangay GSIS, sa lungsod ng San Pedro. (NILOU DEL CARMEN)
248
