‘CHINESE SPY’ ARESTADO SA BI

BUNSOD ng umano’y paniniktik at banta sa pambansang seguridad, inaresto ang isang hinihinalang Chinese spy na Mongolian national sa Iba, Zambales.

Sa pakikipag-ugnayan ng mga operatiba ng Bureau of Immigration Intelligence Division–Special Response Team sa Armed Forces of the Philippines, kabilang ang 69th Infantry Battalion at 7th Infantry Division, isinagawa ang operasyon noong Pebrero 12 sa isang aviation school sa Barangay Lipa Dingin.

Kinilala ang naaresto na si Boldbaatar Bold-Erdene, 30-anyos, graduating pilot student ng nasabing akademya.

Siya ay itinuturing ng Immigration Bureau bilang undesirable alien dahil sa umano’y paglabag sa kondisyon ng kanyang pananatili at pagiging banta sa interes at kaligtasan ng publiko.

Batay sa intelligence information, nagtapos umano ito bilang fighter jet pilot at may hinihinalang kaugnayan sa pamahalaan ng China.

Sa isinagawang flight exercises, napaulat na nagsagawa siya ng aerial photography sa Iba Airport at sa kalapit na Palauig River na may layong humigit-kumulang limang nautical miles mula sa paliparan.

Dinala ang dayuhan sa BI Main Office sa Maynila para sa booking procedure, medical examination at biometric processing bago inilipat sa Bureau of Immigration Warden Facility habang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa kanya.

(JOCELYN DOMENDEN)

2

Related posts

Leave a Comment