INIULAT ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mahigit 423,000 housing units ang naitayo o napondohan mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026 sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
“Mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026, tayo ay nakagawa at nakapag-finance ng higit 423,000 housing unit,” pahayag ng Pangulo sa okasyon sa Taytay.
Ayon sa Pangulo, pinabilis ang konstruksyon at pinagaan ang proseso sa pamamagitan ng pagpapababa ng interest rates sa housing loans upang mas maraming miyembro ng Pag-IBIG Fund ang makinabang.
Binigyang-diin din ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng housing units upang mapabilis ang pagtatayo ng mga bahay.
Nanawagan ang Pangulo ng mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapalawak pa ang saklaw ng 4PH Program.
Kahapon ay pinangunahan ni Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga bagong tahanan at tulong sa mga benepisyaryo ng Expanded 4PH Program bilang bahagi ng ika-7 anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Sa seremonya na ginanap sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal, iginiit ng Pangulo ang pangakong magbigay ng disente at abot-kayang pabahay.
Personal niyang ipinagkaloob ang simbolikong susi para sa vertical at horizontal housing units, Certificates of Lot Award, at tulong pinansyal para sa land at site development sa ilalim ng Enhanced Community Mortgage Program.
Ipinamahagi rin ang Certificates of Entitlement sa mga matagal nang naghihintay sa bisa ng mga Presidential Proclamations.
Ang DHSUD ay itinatag noong Pebrero 14, 2019 sa ilalim ng Republic Act No. 11201 bilang pangunahing ahensya sa pabahay at urban development.
(CHRISTIAN DALE)
2
