1 PATAY, 7 MISSING, 5 SUGATAN SA GUMUHONG TULAY

CAVITE – Isa ang kumpirmadong namatay, lima ang sugatan habang pito pang mga kabataan ang pinaghahanap makaraang mahulog sa ilog mula sa gumuhong tulay sa Dasmariñas City sa lalawigang ito, noong Martes ng gabi.

Hindi umabot nang buhay sa Pagamutan ng Dasmariñas City si John Michael Beltran y Pamel, 17, sugatan naman ang limang biktimang sina Jeralden Pacia y Apas, 16; Lester Neri y Ramirez, 16; Generos Pacia y Zena, 16; Danica Uy y Mangaoang, 12, at Lyka Briones y Armentano, 18, habang pito pang kabataan ang patuloy na pinaghahanap.

Ayon sa ulat ni P/MSgt. Elmo Caboboy ng Dasmariñas City Police, dakong alas-9:00 ng gabi nang bigla umanong gumuho ang bakal na tulay sa Tabing Ilog sa Sitio Talisayan, Dasmariñas City, Cavite na nagresulta sa pagkahulog ng mga biktima sa ilog.

Nabatid na ginagawang tambayan ng mga kabataan ang nasabing lugar.

Nabatid mula kay Ariel San Gabriel, City Administrator ng Dasmariñas City, patuloy ang isinasagawang retrieval operation sa pito pang mga biktima.

Ayon pa kay San Gabriel, abandonado na ang nasabing tulay kaya sarado ang isang bahagi nito ngunit nadadaanan ng tao ang kabilang bahagi nito. (SIGFRED ADSUARA)

191

Related posts

Leave a Comment