1 PATAY, KAPITAN, 2 PA SUGATAN SA AMOK

BATANGAS – Patay ang isang lalaki habang sugatan ang kapitan ng barangay at dalawa nitong kaanak makaraang manghalihaw ng saksak ang isa nilang kabarangay na ang anak ay may kaso sa islang bayan ng Tingloy sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.

Idineklarang dead on arrival sa ospital sa bayan ng Mabini, Batangas ang biktimang si Magno Corona, habang nilalapatan ng lunas ang mga sugatang sina Barangay Captain Jonjon Villanueva, 31, at mga kaanak nito na sina Jijomel Villanueva at Roward Villanueva, pawang taga Barangay Corona.

Kinilala naman ang suspek na si Erickson Magbohos, kabarangay ng mga biktima.

Batay sa report ng Tingloy Police, bandang alas-10:00 ng gabi, kasama ang ama, kinakausap ng mga biktima ang anak ng suspek hinggil sa isang reklamo laban dito sa kanilang barangay.

Ngunit nauwi sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap na humantong sa pagbunot ng suspek ng patalim at walang habas na pinagsasaksak ang mga biktima.

Mabilis na tumakas ang mag-ama matapos ang pananaksak habang mabilis na isinakay sa bangka ang mga biktima at itinawid patungo sa ospital gayunman, nalagutan ng hininga ang isa sa mga ito. (NILOU DEL CARMEN)

192

Related posts

Leave a Comment