1 PATAY SA NAPATID NA HANGING BRIDGE

DAVAO DEL NORTE – Narekober na ng mga awtoridad ang nawawalang labi ng isang lalaking natangay ng baha matapos mapatid ang hanging bridge sa ilog na kinaroroonan nito at ng humigit kumulang sa 40 pang katao sa Sitio Taguango, Barangay Sua-on, sa bayan ng Kapalong, sa lalawigan.

Noong Sabado, natagpuan ng mga miyembro ng search and rescue team ng Kapalong MDRRMO, Philippine Coast Guard at iba pang mga emergency responder, ang labi ng biktimang si Castillo Adot, 58, residente ng nasabing lugar.

Natagpuan ang bangkay nito noong Sabado sa Purok-4 Quarry, Barangay Florida na nasa 4 kilometro ang layo mula sa pinagbagsakan ng hanging bridge noong Huwebes.

Ayon sa report ng Kapalong MDRRMO, mayroon mayroong 25 matanda at 13 bata ang nasa hanging bridge nang bumagsak ito matapos na ito ay maabot ng malakas na agos ng tubig baha, dulot ng mga nagdaang sama ng panahon na sumalanta sa Davao Region.

Nailigtas ng mga kalalakihan ang mga bata na tinangay ng malakas na agos ng tubig, habang ang iba ay nakahawak sa lubid at gumapang patungo sa tabing ilog.

Ilan din ang nasugatan sa insidente at dalawa sa mga nasaktan ay kinilalang sina Analy Adot at Analyn Tinoy.

(NILOU DEL CARMEN)

163

Related posts

Leave a Comment