FRASCO OUT NA SA DOT

WALA na sa puwesto si Christina Garcia Frasco bilang Kalihim ng Department of Tourism (DoT) matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang Presidential Adviser for Sustainable and Resilient Communities.

Ayon sa Malacañang, itinalaga si Frasco sa bagong posisyon upang tumulong sa pagpapalakas ng implementasyon at pagpapatuloy ng mga priority national initiatives sa antas ng komunidad. Ito ay kasunod ng pagharap ng maraming lugar sa bansa sa tumataas na climate-related hazards at disruptions na nakaaapekto sa lokal na ekonomiya at kabuhayan.

Sinabi ni Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer, na lilipat si Frasco mula sa kanyang tungkulin bilang Tourism Secretary kung saan pinangunahan niya ang mga hakbang upang suportahan ang mga tourism enterprise, kabuhayan, at pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Samantala, pansamantalang mamumuno sa DoT si Verna Buensuceso, Undersecretary ng ahensya, bilang officer in charge (OIC).

Nagpasalamat naman si Pangulong Marcos sa naging serbisyo ni Frasco sa Department of Tourism at nagpahayag ng kumpiyansa na ang kanyang karanasan sa pakikipagtrabaho sa mga lokal na pamahalaan at komunidad ay makatutulong sa pagsusulong ng mga prayoridad ng administrasyon.

Matatandaang naharap sa batikos si Frasco matapos umanong madalas na paglabas ng kanyang imahe sa ilang tourism promotional materials ng ahensya. Inakusahan ang dating kalihim na umano’y ginamit ang mga programang pinondohan ng pamahalaan para sa self-promotion.

Nauna ring pinuna ni Senador Raffy Tulfo ang umano’y pagpapakita ng sarili ng kalihim sa ilang promotional materials sa halip na ituon ang pansin sa mga destinasyon ng turismo.

(CHRISTIAN DALE)

96

Related posts

Leave a Comment