PLUNDER, GRAFT CASE VS JINGGOY, EX-DPWH SEC BONOAN ‘SUBMITTED FOR RESOLUTION’ NA

KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na submitted for resolution na ang reklamong plunder at graft laban kina Senador Jinggoy Estrada, dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan at iba pang sangkot.

Ayon kay DOJ spokesperson Polo Martinez, natapos na ang pagsusumite ng counter-affidavit ng lahat ng respondents sa reklamo.

Kabilang sa mga naghain ng kanilang kontra-salaysay sina dating Public Works officials at state witnesses na sina Roberto Bernardo, Gerard Opulencia, Henry Alcantara at iba pa.

Nauna nang naghain si Estrada ng kanyang counter-affidavit sa prosekusyon upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Ipinaliwanag ni Martinez na mayroong 60 araw ang prosekusyon upang resolbahin ang kaso, na maaari pang madagdagan ng hanggang 30 araw kung may mga pending incidents—bagama’t sinabi niyang sa ngayon ay wala nang nakabinbin kaya itinuturing nang “submitted for resolution” ang reklamo.

Kaharap ng mga respondents ang mga reklamong paglabag sa Section 3(e) ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, plunder sa ilalim ng Republic Act No. 7080, direct bribery, receiving gifts by public officers at corruption of public officers.

Nag-ugat ang reklamo sa umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan na inihain ng National Bureau of Investigation, DOJ at ng Public Works and Bid-Rigging Task Force.

Sa huli, sinabi ng DOJ na daraan pa sa masusing pagsusuri ng panel of prosecutors ang mga ebidensya at testimonya bago maglabas ng resolusyon kung may sapat na batayan upang umusad ang kaso sa korte.

(JULIET PACOT)

100

Related posts

Leave a Comment