TINUTUGIS ngayon ng pulisya ang anim na lalaki na magkakaangkas sa tatlong motorsiklo matapos holdapin ang isang naglalakad na lalaki at tangayin ang kwintas nito sa Imus City, Cavite.
Ayon sa ulat, bandang 6:20 ng gabi kamakalawa nang mangyari ang insidente habang naglalakad ang biktima patungo sa M.O. Rieta Wet and Dry Market upang bumili ng softdrinks.
Bigla umanong dumating ang mga suspek na sakay ng tatlong motorsiklo—dalawang Yamaha Nmax at isang Honda ADV—at armado ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at agad nagdeklara ng holdap.
Tinangay ng mga suspek ang kuwintas ng biktima na tinatayang nagkakahalaga ng ₱100,000.
Habang papatakas ang mga salarin, tinangka pang pigilan ng biktima ang isa sa kanila sa pamamagitan ng paghawak sa side mirror ng motorsiklong Honda ADV ngunit nasugatan siya sa katawan.
Sa gitna ng kaguluhan, nahulog mula sa isa sa mga suspek ang cellphone holder kasama ang isang Oppo cellphone.
Agad isinugod ang biktima sa Kalayaan Hospital upang gamutin ang mga tinamong sugat.
Sa narekober na cellphone, lumitaw umano ang Google alert notification para sa change password request na nakapangalan sa “Raquel Parado,” na isa ngayon sa mga sinusuring lead ng pulisya.
Narekober din sa lugar ang isang Motowolf motorcycle cellphone holder, side mirror, at Oppo cellphone na may Globe SIM card.
Patuloy ang CCTV backtracking ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
96 