BATANGAS – Isa ang patay makaraang masunog ang ilang stall sa Lipa City public market noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ng Lipa City Police ang biktimang si Jomer Castillo, tenant sa isa sa mga stall.
Batay sa report, nasa loob ng kanyang cellphone and accessories repair shop sa ground floor ng New parking building ng Lipa City public market ang biktima nang sumiklab ang apoy dakong alas-5:45 ng umaga.
Bigla umanong lumaki ang apoy sa stall kaya nakulong ang biktima.
Nang maapula ang sunog, isinugod ang biktima sa NL Villa Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Umabot ng halos isang oras bago tuluyang naapula ng mga bombero ang sunog na inaalam pa ang posibleng naging sanhi. (NILOU DEL CARMEN)
