12 TUMBA SA PANDEMYA SA 3 CAMANAVA CITIES

UMABOT sa 12 katao ang namatay sa mga lungsod ng Malabon, Navotas at Valenzuela dahil sa COVID-19, batay sa pinakahuling ulat ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Ayon sa ulat, anim ang namatay sa Malabon City at umakyat na sa 571 ang COVID death toll ng lungsod, habang, 137 ang nadagdag na confirmed cases noong Setyembre 7. Sa kabuuan ay 17,957 ang positive cases sa lungsod, 769 dito ang active cases.

Habang 317 pasyente ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling at sa kabuuan ay 16,623 ang recovered patients ng siyudad.

Nagkaroon ng pagbabago sa datos ng mga gumaling sa Barangay Muzon dahil dalawa sa kanila ang muling kinapitan ng COVID-19. Mula sa 283 magiging 281 na lamang ang mga gumaling sa barangay.

Apat namang COVID patients ang binawian ng buhay sa Navotas City at umakyat na sa 462 ang tuluyang iginupo ng pandemya sa lungsod hanggang 11:59 pm noong Setyembre 6, habang 1,705 ang active cases matapos na 97 ang nagpositibo sa virus at 68 ang gumaling.

Pumalo na sa 15,412 ang tinamaan ng COVID sa Navotas, at sa nasabing bilang ay 13,245 na ang gumaling.

Dalawang pasyente naman ang binawian ng buhay sa Valenzuela at sumipa na sa 659 ang pandemic fatalities ng lungsod noong Setyembre 7, habang 1,486 ang active cases makaraang 185 ang gumaling at 184 naman ang nahawaan.

Umabot na sa 28,601 ang nasapul ng pandemya sa lungsod, at 26,456 na sa mga ito ang gumaling. (ALAIN AJERO)

143

Related posts

Leave a Comment