(NELSON S. BADILLA)
KUMPIRMADONG hindi naghain ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) si Associate Justice Marvic Leonen noong nagtuturo sa College of Law ng university of the Philippines (U.P.) nang labinlimang beses.
Nangangahulugang nilabag ni Leonen ang SALN Law, birada ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon.
Sa dokumentong nakuha ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) mula sa Office of the Ombudsman (OMB), natukoy ang paglabag ni Leonen sa SALN Law.
Ang naturang batas ay patungkol sa mga -ari-arian at pagkakautang ng mga taong nagtatrabaho sa pamahalaan.
Kung 15 beses na binalewala ni Leonen ang SALN Law, nangangahulugang masahol siya kay Ma. Lourdes Sereno na anim na ulit lamang hindi nakapaghain ng SALN habang nagtuturo sa College of law ng UP.
Si Sereno ay nasibak sa pagiging punong mahistrado ng Korte Suprema dahil bukod sa paglabag sa SALN Law ay tahasang paglabag din sa ilang probisyon ng Konstitusyon ang ginawa ng dating mahistrado.
Mayorya ng mga kasamahan ni Sereno ang nagtulong upang matanggal siya sa Korte Suprema.
Batay sa dokumentong nakuha ng PCOO sa OMB, noong 2004, 2005, 2006 at 2007 nagsumite ng SALN si Leonen bilang paghahanda sa pagtatalaga sa kanya bilang dekano ng College of Law ng UP noong 2008.
Pagkatapos nito, wala na uling SALN si Leonen.
Batay pa rin sa rekord ng OMB, muling naghain ng SALN si Leonen noong 2010 at 2011 bilang paghahanda naman sa kanyang napipintong promosyon sa Korte Suprema noong Nobyembre 2012.
Nang maupo si Leonen bilang mahistrado sa mataas na korte dahil sa pagtalaga sa kanya ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ay wala nang nakuhang impormasyon ang media mula sa mataas na korte hinggil sa SALN ni Leonen.
Ang sinasabing paglabag ni Leonen sa SALN Law ay isa sa mga reklamong inihain ni Edwin Cordevilla, secretary general ng Filipino League of Advocates of Good Governance – Maharlika (FLAGG – Maharlika), sa Kamara de Representantes.
Kasama rin ang makupad umanong pagdedesisyon nito sa mga kasong hawak niya sa Korte Suprema mula noong 2013 at mga kasong nakapila sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) kung saan ang kontrobersiyal na mahistrado ang pinuno.
Ang pinakamatindi sa impeachment charges na isinampa laban kay Leonen ay ang “culpable violation of the Constitution”.
Idiniin noon ni Cordevilla sa mga mamamahayag na napakalakas ng katibayan ng FLAGG-Maharlika laban kay Leonen.
Ayon sa liderato ng Kamara, tatalakayin na ang impeachment charges laban kay Leonen sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso simula sa Mayo 17 upang maipadala ito sa Senado.
Ang Senado ang magsisilbing korte na lilitis kay Leonen at hahatol kung dapat siyang matanggal sa Korte Suprema.
Matatandaang hiniling din ni Cordevilla kay Leonen na magbitiw ito sa pagiging hepe ng bar examinations ngayong taon, sapagkat hindi “fit mentally and physically” ang naturang mahistrado upang harapin at pamunuan ang napakahalagang pagsusulit ng mga magiging abogado.
Ipinaalala ni Cordevilla na si Leonen ay pihadong magiging abala upang harapin at ipagtanggol ang kanyang sarili laban sa mga kasong inihain laban sa kanya sa Kamara hinggil sa paglabag sa ilang napakahalagang mga probisyon ng Konstitusyon at ilang batas bilang mahistrado ng Korte Suprema.
