NASA labing lima katao ang iniulat na nasaktan sa pagsabog sa isang Korean restaurant na ikinasira ng mga katabing establisimyento at ilang sasakyan kahapon ng umaga sa Calapan City, Oriental Mindoro.
Sa ulat na ibinahagi ni Police Brig. Gen. Joel B. Doria, Police Regional Office 4-B chief, bandang alas-10:20 nang maganap ang pagsabog sa Mr. Won’s Samgyeopsal sa Xentro Mall na nasa Barangay Lumangbayan ng nasabing siyudad.
Sa inisyal na ulat, 15 katao ang itinakbo sa Oriental Mindoro Provincial Hospital (OMPH) at Ma. Estrella General Hospital (MEGH) kung saan dalawa sa mga ito ang nasa kritikal na kondisyon.
Hinihinalang tagas o gas leak ang pinag-ugatan ng pagsabog base sa nakitang burn injuries sa mga tauhan ng restaurant.
Patuloy ang pagsisiyasat ng Bureau of Fire Protection at Calapan City Public Safety Department sa pamumuno ni City Administrator Atty. Reymund Al-Ussam sa insidente.
Sa pahayag naman ni Choy Aboboto, Calapan Public Safety Department head, karamihan sa mga sugatan ay mga empleyado ng restaurant.
Nagpadala na rin ng mga tauhan ng Explosive and Ordnance Disposal Unit para tiyakin ang sanhi ng pagsabog.
(JESSE KABEL RUIZ)
