17 PASAWAY SA QUARANTINE SA BULACAN INARESTO

BULACAN – Umabot sa 17 pasaway ang inaresto sa gitna nang mahigpit na implementayson ng enhance community quarantine sa lalawigang ito, noong Miyerkoles at Huwebes.

Ayon kay Bulacan Police Director Col. Lawrence Cajipe, habang ipinatutupad ang strict implementation ng quarantine sa buong lalawigan, nakapag-aresto sila ng mga hindi sumusunod sa prohibisyon sa derektiba ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay ng kinakaharap na health emergency ng bansa laban sa COVID-19.

“Ang mga inaresto ay naging pasaway, unruly at nagsasalita nang hindi maganda sa mga awtorisadong personalidad habang nagpapairal ng batas,” ayon kay Cajipe.

Ang ilan naman ay dinakip habang nag-iinuman sa kalsadahan at ang iba ay sapilitang dumaraan sa checkpoints kahit ang mga ito ay pinagbabawalan.

Nabatid na sa kabila nang mahigpit na pagpapatupad ng enhanced community quarantine, patuloy ang pagbibigay ng anunsyo at abiso ng pulisya at mga lokal na pamahalaan kaugnay ng mga dapat at hindi dapat gawin kaugnay ng COVID-19 outbreak.

Inihahanda na ang mga kasong kahaharapin ng mga arestado gaya ng direct assault, physical injury, grave threat, alarm and scandal at paglabag sa RA 11332, Disobedience and Violation to RA 9271. (ELOISA SILVERIO)

 

131

Related posts

Leave a Comment