17 SUGATAN SA ROAD ACCIDENT SA LA UNION

UMABOT sa 17 katao ang sugatan sa pagbaligtad ng isang passenger jeep, kabilang ang driver nito, sa Brgy. Nagyubuyuban, San Fernando City, La Union noong Sabado ng gabi.

Sa ibinahaging ulat ng San Fernando City Police Station, sangkot sa aksidente ang isang Isuzu jeepney na minamaneho ng 45-anyos na driver na naninirahan sa Cardiz, Bagulin, La Union, na kabilang sa sugatan.

Walo sa mga sugatan ay mga menor-de-edad na ang mga edad ay 10, 9, 11, 15, 12, 8, 14, at 1 taong gulang habang ang iba pang sugatan ay may edad na 55, 31, 71, 70, 47, 37, 50 at isang babaeng nasa legal na edad ngunit hindi binanggit kung ano ang eksaktong edad.

Apat sa mga biktima ang residente ng Itogon, Benguet; walo ang residente ng San Gabriel, La Union; tatlo mula sa San Fernando City, La Union; isang taga Baguio City, at isang taga Bagulin, La Union (driver).

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bumibiyahe papuntang hilagang direksyon sa pababang bahagi ng national road sa nabanggit na lugar ang Isuzu jeepney nang mawalang umano ito ng preno.

Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan ang driver hanggang sa bumaligtad ang jeepney.

Mabilis namang naitakbo ng nagrespondeng rescue team ang mga sugatan sa Ilocos Training and Regional Medical Center (ITRMC).

(JESSE KABEL RUIZ)

66

Related posts

Leave a Comment