PINASASAMPOLAN na ni Pangulong Rodrigo Roa duterte sa mga otoridad ang mga tiwaling lokal na opisyal na pinakialaman ang pondo para sa Social Amelioration Program.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, inatasan ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government, Philippine National Police at National Bureau of Investigation na kasuhan at papanagutin ang mga opisyal ng lokal ng pamahalaan, mula gobernador at mayor kung meron man sa mga ito, gayundin ang mga kapitan ng barangay na kinurakot ang SAP.
Ito ay dahil sa mga sumbong sa Pangulo na binawasan ang ayuda kasama na ang umano’y pangongotong ng ilang opisyal ng barangay sa mga nakatanggap ng SAP subsidy.
Sa ngayon, sinabi ni Roque na nasa 183 na mga insidente na ang pinaiimbestigahan ng DILG kaugnay ng mga umano’y katiwalian sa distribusyon ng SAP.
Nagpapatuloy pa rin ang pagtanggap ng sumbong ng DILG laban sa mga lokal na opisyal.
Ilalatag na naman ang ikalawang tranche ng SAP sa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ kaya inatasan ng Pangulo ang DSWD na humingi na ng tulong sa AFP para matiyak na mapupunta sa tamang mga benepisyaryo ang buong halagang dapat nilang matanggap. CHRISTIAN DALE
