18K PAMILYA APEKTADO NG BAHA SA NORTH COTABATO

NORTH COTABATO – Nanatili pa ring nasa evacuation centers ang 18,497 pamilya na lubos na naapektuhan ng pagbaha sa Cotabato Province dahil sa patuloy na nararanasang pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Central Mindanao.

Pinaka-apektado rito ang bayan ng Pikit, Kabacan, Makilala, Matalam at sa bayan ng Antipas, batay sa report ng bawat Local Disaster Risk Reduction and Management Office.

Nagbabala naman si Provincial Disaster Risk Reduction Management (PDRRM) Officer Mercy Foronda sa patuloy na pag-ulan hanggang matapos ang taon kung kaya’t pinayuhan ang publiko na maging maingat at mapagmatayag sa lahat ng pagkakataon.

Paliwanag ng PDRRM, ang naranasang mga pagbaha ay bunsod ng low pressure area, localized thunderstorms, at pagpasok ng bagyong Ofel at Pepito nitong nakalipas na linggo.

Sa kasalukuyan, nakapaghatid na ng tulong ang bawat LGU sa nasabing mga apektadong pamilya habang patuloy naman ang isinasagawang rapid assessment ng PDRRM personnel sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng mga pagbaha. (BONG PAULO)

204

Related posts

Leave a Comment