CAVITE – Arestado ang dalawang hinihinalang mga miyembro ng akyat-bahay gang habang pinaghahanap ang isa pa nilang kasama, matapos tangayin ang P100,000 halaga ng gadgets mula sa isang bahay sa Bacoor City noong Martes ng madaling araw.
Kinilala ang mga naaresto na sina Arnel Rodriguez y Baclas, at Marck Anthony Lagana y Guinez habang pinaghahanap ang kasama nilang Carlos Espella, pawang nasa hustong edad.
Ayon sa ulat ni Police Master Sergeant Roberto Lacasa ng Bacoor City Police, dakong alas-3:00 ng madaling araw nang pasukin ng mga suspek ang bahay ni Ana Mariz Morales y Tiamson sa Brgy. Molino 3, at tinangay ang iba’t ibang gadgets na nagkahalaga ng P100,000.
Dakong umaga nang madiskubre ng biktima ang panloloob sa kanyang bahay kaya agad tumawag sa security office ng subdibisyon na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek at nabawi ang mga gadget nito.
(SIGFRED ADSUARA)
