2 BABAENG LUMAD, BINARIL SA ARI?

WASAK ang ari ng dalawang babaeng Lumad, kabilang ang 12-anyos na dalagita, na kasama sa tatlong katutubo na napatay umano ng mga sundalo sa Lianga, Surigao del Sur habang nag-aani ng abaca.

Ito ang napag-alaman kay Zenaida Soriano, national spokesperson ng Amihan, base umano sa report sa kanila ng Save Our Schools Network kaugnay ng kalagayan ng mga biktimang sina Willy Rodriguez, Lenie Rivas at Angel Rivas, 12-anyos.

“The victims were found with smashed faces and limbs, the two females Lenie and 12-year-old Angel, were found with shattered genitalia,” ani Soriano.

“This is a result of Duterte’s ‘Barilin n’yo sa puke’ command and his macho-feudal tirades and ‘jokes’. Isa itong malinaw na kahayupan at paglapastangan ng mga militar sa mga inosenteng magsasaka at sibilyan,” dagdag ni Soriano.

Magugunitang sa kanyang speech sa Armscor Shooting Range sa Davao City noong Pebrero 2018, sinabi ni Duterte ipapabaril niya sa ari ang mga babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA) upang hindi na magkaanak ang mga ito.

“Dal-a na. Ingna ang mga sundalo. Ingna sila ang mga sundalo. ‘Ah, unsa man nang babae.’ Ingna sila. Tawga run ang mga sundalo. ‘Order bag-o ni mayor. Di lang daw mo patyon. Pusilon lang mo sa bisong arong—’ Og wa na ma’y bisong, wa na ma’y silbi,” ani Soriano na ang ibig sabihin ay “may bagong order si Mayor. Hindi namin kayo papatayin. Barilin na lang namin kayo sa puke para…kung wala nang ari, wala nang silbi”.

Naniniwala si Soriano na sinunod ng mga sundalo ang kautusan umano na ito ni Duterte kaya winasak ang ari ng dalawang babaeng biktima sa tinagurian nilang Lianga massacre.

“Anong klaseng tao ang makakagawa ng ganito sa isang labing-dalawang taong gulang na bata?” ayon pa kay Soriano.

Base sa mga report, naka-engkuwentro umano ng 3rd Special Forces Battalion ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga miyembro ng NPA sa Lianga na ikinamatay ng tatlong biktima noong Hunyo 15. 2021.

Nagpupuyos din sa galit si Bayan Muna Party-list Rep. Eufemia Cullamat dahil muling naulit aniya ang Lianga massacre, anim na taon na ang nakararaan matapos patayin ang tatlo katao kabilang na ang Lumad School Director noong Setyembre 1, 2015.

“Anim na taon na ang lumipas nang una naming sapitin ang masaker sa Lianga noong September 1, 2015. Hanggang ngayon ay wala pa ring hustisyang nakakamit ang mga kaanak at ang buong komunidad ng mga Lumad sa Lianga sa masaker na ito. Sa halip, patuloy ang panghaharas na nararanasan ng aming mga katribo,” ani Cullamat.

“Lantaran kung kami ay babuyin at harap-harapang inaapakan ang aming karapatang pantao gamit ang dahas ng estado,” dagdag pa nito. (BERNARD TAGUINOD)

194

Related posts

Leave a Comment