QUEZON City – Dalawang bangkay ng lalaki na parehong nasa ‘state of decomposition’ ang nakitang lumulutang sa karagatang sakop ng Lamon Bay area noong Miyekoles at Huwebes.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung kabilang ang dalawang bangkay sa 11 mangingisda na umalis sa Atimonan, Quezon sakay ng fishing boat na FV El John na lumubog sa may karagatang sakop ng Jose Panganiban, Camarines Norte noong Pebrero 5.
Natagpuan ang isa sa mga bangkay na tinatayang may taas na 5’7″, sa karagatang malapit sa Balesin Island, Polillo, Quezon noong Miyerkoles ng hapon.
Huwebes naman ng umaga nang bumulaga ang isa pang bangkay sa karagatang sakop ng Barangay Cagsiay 2, bayan ng Mauban, nasa 30 kilometro ang layo sa unang bangkay.
Matatandang anim na mangingisda ang nawala makaraang masiraan at lumubog ang fishing boat na FV El John habang nakita ang isang crew nito na wala nang buhay noong nakaraang linggo sa karagatan ng Brgy. Dapdap, Calauag, Quezon.
Lima naman sa mga sakay ang ligtas na nasagip ng rescue team ng Philippine Coast Guard sa Vinzon at Jose Panganiban sa Camarines Norte. (NILOU DEL CARMEN)
184
