INIHAYAG ni Quezon City Police District Director P/BGen. Antonio C. Yarra ang pagkakaaresto sa dalawang babaeng drug suspects na nagresulta sa nakumpiskang P204,000 halaga ng umano’y shabu sa buy-bust operation noong Agosto 11 sa Brgy. Greater Fairview, Quezon City.
Kinilala ni P/BGen. Yarra ang mga suspek na sina Mary Joy Nicolas, 34-anyos, ng Francisco St., Diliman, Quezon City, at Diodilyn De Jose, 43-anyos, residente ng Blk.12, Lot 17, UBB, Marikina City.
Ayon sa report mula kay P/Lt. Col. Florian Reynado, commander ng Fairview Police Station (PS-5), isinagawa ang buy-bust operation dakong alas-12:30 ng tanghali sa Camaro St., Brgy. Greater Fairview.
Isang undercover operative ang nagpanggap na buyer at nakabili ng P10,000 halaga ng umano’y shabu mula sa mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip sa mga ito.
Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang 30 gramo ng shabu na tinatayang P204,000 ang street value, isang cellular phone, at buy-bust money.
Ang mga suspek ay kinasuhan sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)
