NANAWAGAN ng pagkakaisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa gitna ng lumalalang tensyon sa Gitnang Silangan.
“Ngayon ang panahon para maipakita natin ang bayanihan,” ani ng Pangulo, sabay paalala na maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon at iwasan ang fake news.
Tiniyak din niya na hindi pababayaan ng pamahalaan ang mga apektadong sektor.
Tinukoy ang ilan sa mga hakbang ng gobyerno tulad ng: Suspensyon ng fare hike, Libreng sakay sa Metro Manila, Cebu at Davao, 50% discount sa LRT-2 at MRT-3 simula Marso 23, at Fuel subsidy para sa transport sector.
Ayon sa Pangulo, mahigpit ding mino-monitor ang presyo ng mga bilihin at nananatiling sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.
Sa usapin ng bigas, pinalalawak ang bentahan ng P20/kilo rice sa 177 LGUs at pinag-aaralan pa ang posibleng price cap.
Dagdag pa rito, nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga bansang tulad ng India, Japan at South Korea upang masiguro ang suplay ng langis.
Para naman sa mga OFW, patuloy ang repatriation efforts—mahigit 1,400 OFWs at 300 dependents na ang nakauwi sa bansa.
“Nandito ang pamahalaan bilang inyong sandalan,” pagtiyak ng Pangulo.
(CHRISTIAN DALE)
100 