TULFO ISINUSULONG BATAS PARA OBLIGAHIN GAS COMPANIES NA MAGPALIWANAG BAGO TAAS-PRESYO

IGINIIT ni Senador Erwin Tulfo na dapat magkaroon ng “absolute transparency” at maging tapat sa kanilang tunay na gastos ang mga kumpanya ng langis sa halip na basta-basta na lamang nagdedeklara ng dagdag-presyo dahil sa mga kaganapan sa ibang bansa.

Kasabay ito ng kanyang pag-co-author sa Senate Bill No. 641, isang panukala na naglalayong magpatupad ng mahigpit na transparency sa Philippine Downstream Oil Industry.

Sa ilalim ng nasabing batas, magkakaroon ng kapangyarihan ang Department of Energy (DOE) na obligahin ang mga oil company na isumite ang “actual cost component” o ang tunay na detalye ng kanilang gastusin sa bawat litro ng petrolyo. Magiging “automatic” ang pagsusumiteng ito kapag ang average price ng Dubai crude oil ay umabot sa itinakdang presyo base sa Mean of Platts Singapore.

“Dapat na nating tuldukan ang tila pagsasamantala sa mga external events para lang ipasa ang pasanin sa ating mga consumers,” ayon kay Tulfo.

Ibinahagi rin ng Senador na marami nang kababayan ang nagrereklamo sa kanya tungkol sa “premature hikes” at kaduda-dudang galaw sa merkado.

“Marami sa ating mga kababayan ang lumalapit sa akin at nagtatanong kung bakit may mga premature hikes. Mayroon pa ngang kahina-hinalang gawain kung saan nagdedeklara ang ilang gas stations na wala na silang supply—tila naghihintay lang ng mega price hike bago muling magbukas para sa mga mamimili. Kailangan na itong matigil,” dagdag pa niya.

Sa nakaraang hearing ng Senate Committee on Ways and Means, ibinunyag ng DOE na nagpadala na sila ng “notices to explain” sa mga gas station na iniulat na umaabuso sa tensyon sa Middle East para magtaas ng presyo. Gayunpaman, inamin ng ahensya na limitado ang kanilang galaw dahil sa Oil Deregulation Law.

Dahil dito, iginiit ni Tulfo ang pangmatagalang solusyon sa pamamagitan ng batas. “Gusto nating i-institutionalize ang isang automatic trigger kung saan oobligahin ang mga oil companies na magbigay ng listahan ng kanilang tunay na gastos. Dito, matitiyak na ang mga Pilipino ay may alam kung bakit ganito ang halagang ibinabayad nila sa gas,” paliwanag ni Sen. Erwin.

Matagal nang isinusulong ni Tulfo ang pag-repeal sa Oil Deregulation Law simula pa noong siya ay nasa House of Representatives. Sa kasalukuyan, isa siya sa mga pangunahing nagsusulong ng hakbang para bigyan ng kapangyarihan ang Pangulo na awtomatikong isuspinde ang excise tax sa langis sa gitna ng krisis sa Middle East.

107

Related posts

Leave a Comment