Bagong Konstitusyon nga ba ang solusyon para umunlad ang Pinas?

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

ISANG sistema nga ba ng parliyamentaryo ang dapat na ipalit sa presidential system sa ating bansa?

Federal government ba na tulad sa Canada na prime minister ang may hawak ng executive power o tulad sa US na federal presidential o ang modelo ng Germany, o ng Japan, o ng England at iba pang bansa?

Napapanahon na nga ba para amyendahan o tuluyang gumawa at lumikha ng isang bagong Konstitusyon natin?

Napakaraming provision sa Cory Constitution ang kailangang mabago tulad ng teritoryo ng Pilipinas na nawala ang soberenya natin sa Sabah, mga teritoryo sa dagat, foreign direct investment, pagkontrol sa public utilities tulad ng kuryente, tubig at enerhiya at transportasyon at komunikasyon.

At ang probisyon tungkol sa martial law, pagbawal na magkaroon tayo ng nuclear arms at pagmamay-ari ng lupa at korporasyong pwede sa mga dayuhan.

***

Sabi ng Section 26, Article II ng 1987 Constitution: The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and political dynasties as may be defined by law.

Mula noon at ngayon, kung may nagtangka man na magpanukala ng isang anti-dynasty bill, ang tiyak, ‘di ito makapapasa sa House of Representatives na karamihan, magkakamag-anak ang nagpapalitan sa puwesto dahil sa may term limit sa pag-upo ng isang politiko.

May problema ang Section 26, dahil nakasulat “The State shall …” – na sa tingin ko, walang puwersa na obligahin ang mga mambabatas na gumawa ng batas laban sa political dynasty, at kapag ginawa nila, sila ang unang tatamaan.

Sa tingin ko, mas dapat isulat ay “The State MUST guarantee …” sa halip na salitang “Shall.”

Kung sinabi sa batas ay “The State must guarantee …”, ito ay malinaw na utos, obligasyon at responsibilidad ng estado na gumawa, magpasa at mapagtibay sa isang batas laban sa dinastiya ng mga politikong magkakapamilya.

Isa pang problema sa Section 26 ay paano ba bibigyan ng kahulugan ang salitang “political dynasty,” kasi isa ito sa magiging matinding debatihan kung hanggang saan salin ng dugo o relasyon ng magkakapamilya ang pagbabawalang makatakbo sa halalan.

‘Yan ang nakikita kong ilan sa mga problema sa pag-amyenda o sa planong paglikha ng ating bagong Saligang Batas.

***

Totoong mayroong mabubuti at mayroong masasamang political dynasty.

Masisiguro ang paglago ng kabuhayan at programa sa isang lokalidad kung matitino ang namamayaning pamilya o angkan ng politiko, pero sa masasamang politikong naghahari, patuloy na kahirapan, kaapihan at walang hustisya ang daranasin ng mga mamamayan.

Wala silang tinig at masasabing ang pamamahala ng masasamang dinastiya ay anti-demokrasya at diktatoryal.

***

‘Yung term limit sa 1987 Constitution ay isinulat para raw mapigil ang political dynasties sa layuning mapalawak ang paglahok ng maraming iba pa sa eleksiyon, pero sa klase ng eleksyon natin na umiiral ang ‘Gold, Gun and Goons” na lalo pang pinalalakas ng maraming reklamo ng pandaraya na ang itinuturo ay ang Commission on Elections.

Kahit na ano pang reporma sa eleksyon ang naisabatas na, hindi pa rin nawawala ang karahasan, patronage, elitismo at mahika ng salapi na mahalagang sangkap para manalo sa kahit pinakamababang yunit ng pulitika sa atin.

***

May nagsasabi naman na bakit hindi obligahin ng Supreme Court ang Lehislatura na sundin ang sinasabi ng Section 26 para magsabatas ng anti-political dynasty.

Mandato ng Constitution ang Section 26 na hindi ginagawa ng Kongreso at Senado, at kung gagawin ito ng SC, ano ang mangyayari?

Constitutional crisis dahil nakikialam ang SC sa trabaho ng Lehislatura na co-equal nito na sangay ng ating republika.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

106

Related posts

Leave a Comment