PATULOY ang pagtugis ng Philippine Army sa tumakas na mga terorista kasunod ng sagupaan sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha sa Maguindanao Dalawang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF-Karialan faction) at isang sundalo ang napatay sa nasabing engkwentro.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, nagpapatuloy pa rin ang pursuit operation ng Joint Task Force Central laban sa tumakas na mga BIFF.
Sinasabing nagsanga ang landas ng mga terosistang grupo at tropa ng 6th Infantry battalion na nagsasagawa ng routine combat patrol operation sa liblib na bahagi ng nasabing bayan.
Kinilala ang namatay na sundalo na si Sergeant Jungie Dizon, nakatalaga sa 6th Infantry Battalion ng Philippine Army at residente ng Silos Murcia, Negros Occidental.
Habang ang dalawang napatay sa panig ng BIFF ay kinilalang sina alyas “Mushid” at alyas “Jaamil”.
Hinihinalang tumakbo ang mga terorista papasok ng SPMS Box nang maramdaman nila ang puwersa ng mga sundalo at gamitan sila ng mortar fire matapos ang kalahating oras na bakbakan.
Ayon sa ulat ng 601st Brigade, habang nagpapatrolya ang militar sa liblib na lugar sa bayan ng Shariff Saydona Mustapha, ay bigla itong pinaputukan ng mga kasapi ng BIFF kaya agad na nagkaroon ng palitan ng putok. (JESSE KABEL)
145 