RIZAL – Walong suspek ang nadakip sa isinagawang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa dalawang magkahiwalay na lugar nitong nakalipas na linggo.
Sa ikinasang anti-narcotics operation ng PDEA Rizal Provincial Office at PNP RIU-4A PIT, nalansag ang isang drug den sa Sitio Manalite, Barangay Bagong Nayon, Antipolo City, Rizal.
Kinilala ng mga operatiba ang mga suspek na sina alyas “Dekdek”, pinaghihinalaang drug den maintainer, 44; “Ferdinand”, 37; “John”, 28; at “Adrian”, 23, pawang mga residente ng Barangay Bagong Nayon, Antipolo City, Rizal.
Nasamsam sa mga ito ang humigit kumulang limang gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P34,400.00, buy-bust money at iba’t ibang klase ng drug paraphernalia.
Habang apat na drug personalities din ang nadakip sa isang drug den raid sa Subic na nagresulta sa pagkumpiska ng shabu na nagkakahalaga ng P68,000.00 matapos ang matagumpay na buy-bust operation sa Barangay Calapandayan.
Kinilala ng pinuno ng PDEA Zambales ang mga suspek na inaresto na sina alyas “Kaste”, 46; “Mar”, 40; “Ron-Ron”, 40, at “Aldo”, 31-anyos.
Nakumpiska ng pinagsamang pwersa ng PDEA Zambales Provincial Office, PDEA Tarlac PO, PDEA Subic Seaport Interdiction Unit, at Subic Police Station, ang pitong plastic transparent sachets na naglalaman ng humigit-kumulang 10 gramo ng shabu, iba’t ibang gamit sa pag-snort ng droga, at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Ang nadakip na mga suspek ay pawang mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
