GALIT na ipinag-utos kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Lorenzo Eleazar na imbestigahan ang naging pag-amin ng dalawang naarestong drug suspek sa Cebu City kaugnay ng kanilang mga transaksyon sa mga bilanggong drug traffickers.
“Ang pagkakasangkot ng mga nakakulong na drug traffickers sa transaksyon ng iligal na droga ay nagpapatunay lamang kung gaano kalalim ang operasyon ng sindikato ng droga sa ating bansa,” galit na pahayag ni Eleazar, kasabay ng direktiba sa nakasasakop na regional command para sa isang malalimang pagsisiyasat na inaasahang tutukoy sa mga sangkot.
“Inatasan ko na ang RD, PRO7, na masusing imbestigahan ang bagay na ito. Kung totoo man, kailangang matukoy natin kung sino-sino ang kasabwat upang tapusin na ang operasyon ng sindikatong ito.”
Partikular na tinukoy ni Eleazar ang pag-amin nina Benjie Lupian at Bryan Osabel sa kanilang transaksyon sa mga drug personalities na nakakulong sa Cebu City Jail. Kapwa dinakip sina Lupian at Osabel sa magkahiwalay na drug operation sa Cebu City nito lamang nakaraang Lunes.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang mahigit isa’t kalahating kilong shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P10 milyon.
Ayon kay Eleazar, hindi ito ang unang pagkakataong may naarestong drug suspek na nakikipagtransaksyon sa mga nakabilanggo.
Katunayan aniya, sila mismo ang nakabisto ng kalakalan ng droga sa pagitan ng mga bilanggo ng New Bilibid Prisons at mga galamay nito sa laya, noong siya pa ang regional director ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
“The government is not helpless in this modus as proven when we were able to dismantle the communication network of convicted drug traffickers at the New Bilibid Prisons through a strong coordination with BuCor, PDEA and NBI when I was still the RD of the NCRPO.”
“That is why I am ordering our commanders to strengthen the coordination with these agencies to include the BJMP through intelligence-sharing in order to deny inmates from running illegal drug operations. Ang paulit-ulit na pangyayaring ito ay nagdudulot lamang ng pagdududa ng sabwatan sa modus na ito so I expect all our commanders to do something about this in the soonest possible time in order to do away with these doubts and speculations,” dagdag pa niya. (JESSE KABEL)
