2 HINIHINALANG GUN-FOR-HIRE TODAS SA BUY-BUST SA QUEZON

NAPATAY ang dalawang hinihinalang miyembro ng notorious gun-for-hire group makaraang manlaban sa isinagawang buy-bust operation sa Calauag, Quezon nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ang mga suspek na sina alias June at alias Kenneth na kapwa target ng operasyon ng Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office.

Sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang Provincial Intelligence Unit ng Quezon Police Provincial Office sa Barangay Sta. Ana laban kina June at Kenneth, ngunit natunugan umano ng mga ito na pulis ang kanilang katransaksyon kaya kumaripas patungo sa direksyon ng Tagkawayan.

Pagsapit sa checkpoint na inilatag sa Barangay Sumilang, sa halip na huminto ay pinutukan ng mga ito ang mga operatiba na nauwi sa palitan ng putok.

Hanggang sa makorner sila sa Barangay Sta. Milagrosa, Calauag at doon na napatay.

Nakumpiska mula sa kanila ang mga baril na napatunayang ginamit sa mga naunang pamamaril sa Sariaya, Candelaria, Tiaong at Lucena City.

Lumalabas din na sangkot ang mga ito sa hindi bababa sa pitong kaso ng pagpatay sa 2nd District ng Quezon.

(TOTO NABAJA)

137

Related posts

Leave a Comment