RIZAL – TIKLO sa dalawang high value target ang 109 gramo ng umano’y shabu at dalawang motorsiklo sa anti-drug operation ng Provincial Intelligence Unit (PIU) sa bayan ng Taytay sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ni P/Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director, kay P/BGen. Antonio Yarra, PRO4A-Regional director, kinilala ang dalawang nadakip na sina Danilo Policarpio y Valenzuela alyas “Boyo” at Errol Fadri y dela, Cruz alyas “Mickey”, kapwa high value target at nakatira sa bayan ng Taytay.
Napag-alaman, dakong alas-5:20 ng hapon noong Hulyo 26, nadakip sa buy-bust operation ng mga tauhan ni P/Major Joel Custodio, hepe ng Provincial Intelligence Unit, ang mga suspek sa Cabrera Road, Brgy. Dolores sa nabanggit na bayan.
Nakumpiska sa mga ito ang 109 gramo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P741,200 at dalawang motorsiklo na pinaniniwalaang gamit ng mga ito sa kanilang drug market sa naturang bayan.
Nakapiit na ang mga suspek sa detention cell ng pulisya at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (ENOCK ECHAGUE)
158
